Ni LEONEL ABASOLA
Bantay-sarado ang grupo nina Sen. Grace Poe at Sen. Francis “Chiz” Escudero sa posibleng dayaan sa Araw ng Halalan, para mapangalagaan ang tunay ng boses ng bayan.
Sa isang panayam sa Rizal, na roon naglibot ang tambalan nitong Sabado, sinabi ni Escudero na nakahanda ang kanilang mga abogado at IT expert laban sa pandarayang maaaring mangyari sa Mayo 9.
“Sinisikap namin na mabantayan ito at kung may gagawin mang milagro o pandaraya, tinitiyak namin na mahuhuli at makikita namin ito,” giit ng tumatakbong bise-presidente sa ilalim ng “Gobyernong may Puso”, na nagsusulong ng mabilis at inclusive na pag-unlad, pagsugpo sa kahirapan, malinis na pamahalaan, at pandaigdigang kakayahan.
Kaugnay nito, tiwala si Escudero na hindi magpapadala ang mga botante sa resulta ng mga naglalabasang survey na itinuturing ng ilan na bahagi ng pagkondisyon sa isipan ng mga botante.
“Kung ang mga ito’y paghuhubog sa kaisipan ng tao o trending, ‘ika nga, hindi ako naniniwala na magpapadala sa ganoong kasimpleng propaganda ang ating mga kababayan,” ani Escudero.
“Maski na sa loob ng sabungan, may tumataya lagi sa dehado, hindi lang palagi sa lyamado,” dagdag ng beteranong mambabatas.
Binalaan din ni Escudero ang mga botante laban sa mga kandidatong ginagamit ang mga pag-aari ng gobyerno sa kampanya at sinabing hindi na ito maituturing na “tuwid na daan.”