Dahil sa epektibong implementasyon ng “no-physical contact apprehension policy” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), muling magkakabit ang ahensiya ng 200 karagdagang CCTV camera sa buong Metro Manila upang tiyaking hindi makalulusot ang mga pasaway na motorista sa mga pangunahing lansangan.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos na matatanggap ng ahensiya ang daan-daang bagong CCTV camera sa mga susunod na buwan.
Sa pagdating ng mga bagong traffic camera, agad na ikakabit ang mga ito sa mga kalsadang tinukoy ng MMDA, na ang unang 250 CCTV camera ay ikinabit sa EDSA, Commonwealth Avenue sa Quezon City at sa Roxas Boulevard.
Pinayuhan naman ni Carlos ang mahigit 4,000 nakatanggap ng summon at traffic receipt na may pitong araw na palugit ang mga ito upang personal na magtungo sa MMDA main office, na nasa panulukan ng EDSA at Orense Street sa Guadalupe Nuevo, Makati City.
Mainit na tatanggapin ng MMDA ang anumang pag-apela ng mga lumabag na driver o may-ari ng sasakyan. (BELLA GAMOTEA)