Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyong gumamit na ito ng dirty tactics upang siraan ang kandidatura ng presidential frontrunner na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, bilang “desperate move” para maipanalo sa eleksiyon sa Lunes ang pambato ng administrasyon na si Mar Roxas.

Mas mainam na harapin na lang ni Duterte ang mga alegasyon ng tagong yaman na ipinupukol dito kaysa ibunton ang sisi sa Palasyo, ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.

“Walang katotohanan at walang batayan ang alegasyon na ‘yan. Ito ay purong espekulasyon,” sinabi ni Coloma sa isang panayam sa radyo. “Sa halip na maghanap ng masisisi o magkalat ng intriga, mas mainam na sundin na lamang ng alkalde ang panawagan ng taumbayan na matapang na harapin [niya] at magbigay [siya] ng paliwanag hinggil sa nasabing isyu.”

Una nang inakusahan ng kampo ni Duterte ang Malacañang na nasa likod ng demolition job laban sa alkalde—na patuloy na namamayagpag sa mga presidential survey—kaugnay ng paghahalungkot sa umano’y mga tagong yaman nito.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Leoncio Evasco Jr., campaign manager ni Duterte, ginagawa na ng administrasyon ang lahat ng paraan, kabilang ang pandaraya sa eleksiyon, sa labis na desperasyon na maipanalo si Roxas.

Sa kabila ng kanyang kontrobersiya na “rape joke” at pagmumura sa kanyang pagtatalumpati, patuloy na nangunguna sa mga survey si Duterte, habang nakasunod naman si Roxas sa pumapangalawa sa alkalde na si Senator Grace Poe, sa kabila ng pag-endorso at masigasig na pangangampanya ni Pangulong Aquino para sa dating kalihim.

Ang kandidato sa pagka-bise presidente na si Senator Antonio Trillanes IV ang nag-akusa kay Duterte ng pagkakaroon ng multi-milyon pisong deposito sa bangko. - Genalyn D. Kabiling