Ni Marivic Awitan
Limang taong makulay at matagumpay na collegiate volleyball career, tampok ang limang final appearance at back-to-back championship. Tatlong sunod na taong MVP awards at ilan pang individual honors bukod pa ang ilang kampeonato at achievement sa commercial league.
Hindi maitatangi na si Alyssa Valdez ang pinakamahusay na manlalaro ng volleyball sa kasalukuyang henerasyon. Sa kanyang paglisan sa UAAP, saan patungo ang kanyang career?
Nitong Sabado, lumuluhang namaalam at nagpasalamat ang 22- anyos na ace spiker ng Ateneo de Manila Lady Eagles sa kanyang fans at supporters at sa buong volleyball community kasabay ng pagtatapos ng kanyang playing years sa UAAP.
Marami ang nagtatanong kung ano na ang mga susunod nyang plano at kung tuluyan na niyang iiwan ang volleyball.
“Nothing is certain as of now but I’m open to all the options,” pahayag ni Valdez nang tanungin kung babalik siya sa Ateneo bilang bahagi ng coaching staff o maglalaro sa commercial league na Philippine Super Liga o tatanggapin ang alok na maglaro sa ibang bansa.
Malalaman ani Valdez ang kanyang magiging susunod na hakbang sa Miyerkules kung saan magpapatawag ng press conference ang Ateneo management.
“May offer siya to play abroad from Thailand and Australia,we will see,” pahayag ni Ateneo UAAP board representative Ricky Palou.
Ngunit, marami rin ang mga teams sa PSL ang nagkukumahog na makuha ang kanyang serbisyo.
Sa ngayon, nagpapasalamat si Valdez sa lahat ng kanyang naging karanasan sa loob ng limang taon ng paglalaro sa Ateneo.
“I’m just really thankful for the last five years I’ve been in Ateneo and the UAAP,for everything, I discovered myself, I found myself,” ani Valdez.