Maaaring magdala ng kodigo sa loob ng polling precinct ang mga botante sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista, kung sila ang tatanungin ay iminumungkahi pa nga nilang magdala ng kodigo ang mga botante, na kinalalagyan ng mga pangalan ng mga iboboto ng mga ito upang mas mapabilis ang pagboto.
“In fact, iyon ang ating iminumungkahi. Bibilis ‘yan (pagboto) kung may dalang kodigo... listahan ng inyong iboboto,” ani Bautista.
Maaari pa rin naman umanong magpamigay ng sample ballots ang mga tagasuporta ng mga kandidato ngunit nilinaw na dapat ay malayo ang mga ito sa mga polling precinct.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Bautista ang mga botante na huwag umasa sa mga sample ballot at sa halip ay gumawa ng sariling listahan.
Payo pa ni Bautista, dapat na agad na alamin ng mga botante ang kanilang voting precinct bago pa ang halalan at maagang bumoto sa Lunes.
Ang botohan ay magsisimula ng 6:00 ng umaga at hanggang 5:00 ng hapon lamang. (Mary Ann Santiago)