MATINDI na ay kasing-bagsik pa ng ahas ang akusasyon ni Sen. Antonio Trillanes IV kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nangunguna ngayon sa mga survey. May nakatago umanong milyun-milyong piso ang machong alkalde sa isang bangko na hindi niya isinama sa SALN (Statement of Assets, Liabilities and Networth).
Pinabulaanan ito ni Mayor Digong at sinabing haka-haka o imbento lang ito ng dating Navy officer hinggil sa kanyang deposito sa isang bangko sa Julia Vargas Avenue, Ortigas, Pasig City. Samakatuwid, kung ang alegasyon ni Trillanes laban kay Dirty Rody ay totoo, siya ay katulad din ni VP Jojo Binay na batay sa pagbubulgar ay nagtamo ng ilang bilyong pisong kickbacks at komisyon mula sa mga pagawaing-bayan sa Makati City. Itinanggi ito ni Rody Dirty, pero dakong huli ay inamin niyang may deposito nga siya sa naturang bangko, pero hindi milyun-milyon gaya ng bintang ni Trillanes.
Inulit ni Trillanes ang hamon kay Duterte na lumagda sa isang waiver upang buksan at masuri kung talaga ngang sangkatutak na salapi ang nakadeposito sa kanyang bank account kasama ang anak na si Davao City ex-Mayor Sara Duterte. Handa raw siyang mag-resign bilang senador at umatras sa pagtakbo sa pagka-bise presidente kapag napatunayang mali ang kanyang bintang na may P211 milyon ang alkalde sa bangko. Hihintayin niya ngayon (Lunes) si Duterte sa nasabing bangko para saksihan ang paghahayag ng kanyang bank account.
***
Malaking dagok sa reputasyon ng Pilipinas ang pagpugot sa ulo ng Canadian hostage na si John Ridsdel ng Abu Sayyaf Group (ASG). Sira rito ang slogan na “It’s more fun in the Philippines.” Papaanong magiging kaiga-igaya ang pagpunta sa Pilipinas ng mga turista sila’y dudukutin lang ng mga bandido para ipatubos ng tig-P300 milyon?
Ang pagpugot ay mantsa rin sa pangalan ng AFP at PNP. Isang sumbat ito sa integridad at kakayahan ni PNoy na ilang linggo na lang at bababa na sa puwesto ay hindi pa rin nalilipol ang tulisang ASG na nagbibigay ng “blackeye” sa ‘Pinas. Parang kulang sa koordinasyon at pagtutulungan ang mga kawal at pulis sa naturang lugar. Hindi ba’t sa Mamasapano incident o Oplan Exodus, itinago ang operasyon laban sa teroristang si Marwan ni ex-PNP SAF Director Getulio Napeñas dahil wala siyang tiwala sa AFP? Dahil dito, 44 SAF commando ang napatay.
Noong 2010 presidential election, tinalikuran ni Albay Gov. Joey Salceda ang kaalyadong si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi niya sinuportahan ang “anointed one” ni GMA na si ex-Defense Sec. Gibo Teodoro sa pagkapangulo. Ang sinuportahan niya ay si PNoy. Ngayon namang 2016, kumalas siya sa Liberal Party, ibinagsak si Mar Roxas, at ang pinili ay si Sen. Grace Poe. Ano ang magic ni Gov. Salceda? Manalo rin kaya si Sen. Grace tulad ng panalo ni PNoy noong 2010? (Bert de Guzman)