dlsu copy

Ni Marivic Awitan

Bitbit ang aral na natutunan mula sa nalasap na kabiguan sa nakalipas na dalawang taon, nalagpasan ng De La Salle Lady Spikers ang katatagan at kahusayan ng Ateneo Blue Eagles upang muling magdiwang tangan ang kampeonato sa harap ng nagbubunying tagahanga nitong Sabado, sa Araneta Coliseum.

Dumaan sa matandang kawikaan na “butas ng karayom”, ang Lady Spikers, ngunit sa gitgitang sitwasyon, sapat ang kanilang lakas at determinasyon para supilin ang karibal at maibalik sa kanilang mga kamay ang korona na dalawang taong nawaglit.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Umabot sa ‘do-or-die’ ang serye laban sa Lady Eagles, subalit naging handa at matatag ang Lady Spikers sa bawat birada ng karibal tungo sa 19-25, 25-21,25-16, 25-16 panalo.

Nagawang masawata ng kanilang depensa, sa pagtutulungan at pamumuno ng kanilang mga senior players na sina Cyd Demecillo, Mika Reyes at Ara Galang, kasama ang mga sumisibol na manlalarong sina Joy Baron, Dawn Macandili at Finals MVP na si Kianna Dy, ang tangkang ‘grandslam’ ng Lady Eagles.

“Nakakatuwa kasi matagal itong pinaghirapan ng mga bata.Sobrang daming pinagdaanan nilang trials,” pahayag ni DLSU coach Ramil de Jesus.

Ayon kay De Jesus, ang kabiguang naranasan ng Lady Spikers sa nakalipas na dalawang taon ang siyang nagsilbing “motivation” para sa kanyang mga players.

“Nag- exert sila ng effort sa training.Nakatatak na sa puso nila yung dapat nilang gawin.This year,hindi na sila nagpatalo,” aniya.

Nagsilbi ring isang magandang send-off ang panalo para sa kanilang mga graduating players na kinabibilangan nina Mika Esperanza, Carol Cerveza, Reyes, Galang at Demecillo ang nasabing kampeonato, ang ika-9 sa pangkalahatan ng La Salle bilang ikatlong winningest team kasunod ng Far Eastern University na may 29 at University of Santo Tomas na may 14.