CAMARINES NORTE – Kapwa inakusahan ng election fraud ang nais magbalik-Kongreso na si dating 1st District Rep. Renato “Jojo” Unico, Jr. at si Congresswoman Catherine Barcelona-Reyes, na kandidato naman para gobernador, at hiniling sa Commission on Elections (Comelec) ang diskuwalipikasyon ng mga ito.

Batay sa ebidensiyang iniharap sa Second Division ng Comelec, hiniling ng mga petitioner na matanggal ang pangalan nina Unico at Reyes sa listahan ng mga kandidato sa Camarines Norte dahil sa umano’y vote-buying.

Sa reklamong inihain sa Comelec nina Amable Sotto Miranda at Maria Leonora Espeso, hiniling nilang madiskuwalipika sina Unico at Reyes dahil sa paglabag umano sa Section 68 ng Omnibus Election Code, kaugnay ng vote-buying.

Ayon sa mga ulat, namudmod umano sina Unico at Reyes ng tig-P1,000 sa bawat botante sa Bloomingdale Subdivision sa Barangay Malasugui sa Labo noong Mayo 1, 2013. May video footage pa umano ang nasabing insidente.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dagdag pa, akusado rin ng vote-buying ang mga magulang ni Reyes na sina Cesar Barcelona at Vilma Jalgalado-Barcelona.

Nakabimbin pa rin ang nasabing kaso sa Legal Department ng Comelec.

Taong 2010 hanggang 2013 pinagsilbihan ni Unico ang kanyang unang termino sa Kongreso, ngunit natalo siya ni Gov. Edgardo “Egay” Tallado noong 2013 sa pagkagobernador, matapos lumamang ang huli ng 20,000 boto.

Si Reyes, ang kasalukuyang kongresista sa unang distrito ng lalawigan, ay nahaharap din sa election protest dahil sa pagkakasangkot umano sa pandaraya sa halalan noong Mayo 2013. (Ruel Saldico)