KUMPLETO ang ipinagkakaloob na suporta sa grupo ng bangkang pangisda sa maliit na bayan ng Baimajing sa isla ng Hainan, mula sa mga pagsasanay at mga subsidiya mula sa militar hanggang sa gasolina at yelo, sa pagbubuo ng China ng mas sopistikadong fishing militia na maglalayag sa pinag-aagawang South China Sea.
Kabilang sa mga pagsasanay at suporta ang mga military exercise sa karagatan at paghiling sa mga mangingisda na mangalap ng mga impormasyon tungkol sa mga dayuhang barko, sinabi sa panayam sa mga opisyal ng pamahalaang panglalawigan, mga diplomat sa rehiyon, at mga ehekutibo ng mga kumpanya ng pangisdaan.
“The maritime militia is expanding because of the country’s need for it, and because of the desire of the fishermen to engage in national service, protecting our country’s interests,” anang isang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Hainan na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Ngunit palalalain ng fishing militia ang panganib ng mas matinding tensiyon sa mga dayuhang manlalayag sa estratehikong daanan ng nasa $5 trillion halaga ng kalakal bawat taon, ayon sa mga diplomat at naval experts.
Matatandaang kamakailan ay nagsagawa na rin ang United States ng pagpapatrulya sa karagatan at himpapawid malapit sa mga artipisyal na isla ng China sa pinag-aagawang Spratly Islands, at kabilang sa nagpapatrulya ang dalawang B-52 strategic bomber. Inihayag ng Washington noong Pebrero na isusulong nito ang “freedom of navigation” sa South China Sea.
Sa China, ang mga sangay ng People’s Armed Forces Department sa mga siyudad ay nagkakaloob ng basic military training sa mga mangingisda, ayon sa opisyal ng lokal na pamahalaan ng Hainan. Kabilang sa mga pagsasanay ang search at rescue operations, pagresponde sa kalamidad sa dagat, at “safeguarding Chinese sovereignty”, partikular na sa South China Sea.
Aniya, babayaran ng gobyerno ang mga mangingisdang makikilahok sa mga nabanggit na pagsasanay sa Mayo at Agosto ngayong taon.
Sa pamamagitan naman ng subsidiyang kaloob ng gobyerno ng China, hinihimok ang mga mangingisda na gumamit ng mas mabibigat na bangka na gawa sa bakal, sa halip na kahoy.
Magkakaloob din ang gobyerno ng Global Positioning Satellite equipment sa nasa 50,000 barko o bangkang pangisda, kaya agad matitimbrehan ang Chinese Coast Guard sa mga maritime emergency, kabilang ang engkuwentro sa mga dayuhang barko, ayon sa mga industry executive.
Aasahan din ng mga awtoridad na magsasagawa ng paniniktik ang mga mangingisda kaugnay ng mga aktibidad ng mga banyagang barko at bangka sa South China Sea.
Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, na ang ilang bahagi ay iginigiit namang saklaw ng Pilipinas, Malaysia, Vietnam, Taiwan, at Brunei.
China ang may pinakamalaking industriya ng pangisdaan sa mundo, ngunit dahil nanamlay na ito sa nakalipas na mga taon, matindi ngayon ang pangangailangang makapangisda ang mga Chinese sa karagatang nakapaligid sa bansa, kabilang na sa mga pinag-aagawang isla, ayon sa mga opisyal ng industriya ng pangingisda at ng mismong mga mangingisda. - Reuters