ITO na ang huling linggo ng kampanya para sa eleksiyon at itotodo na ng maraming kandidato ang kani-kanilang pagpupursige upang makamit ang suporta ng mga botante. Opisyal na magtatapos ang kampanya sa Sabado. Araw naman ng pahinga ang Linggo. At sa ganap na 6:00 ng umaga sa Lunes, Mayo 9, ay magsisimula na ang botohan.
Ang anim na araw ng huling linggo ay lubhang mahalaga para sa maraming nangangasiwa sa kampanya. Noong 2001, nagkaroon ng hakbangin para ipagbawal ang paglalathala ng mga resulta ng survey na makaaapekto sa mga kandidato sa mga pambansang posisyon 15 araw bago ang eleksiyon, gayundin sa resulta ng survey na makaaapekto sa mga lokal na kandidato pitong araw bago ang botohan. Gayunman, tinanggihan ng Korte Suprema ang hakbanging ito, na alinsunod sa batas at batay sa isang resolusyon ng Commission on Elections, ay ilegal dahil isa itong paglabag sa kalayaan ng media sa pamamahayag.
Kaya naman umiral ang konstitusyon, ngunit totoong nakaiimpluwensiya ang mga resulta ng survey sa maraming tao. Sa isang forum dalawang linggo na ang nakalilipas, binalikan sa alaala ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza kung paanong sa halalan noong 2004 ay hinulaan ng isang survey firm ang malaking panalo sa Metro Manila ng noon ay re-electionist na si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ngunit nang bilangin na ang mga boto, si Fernando Poe, Jr. ang nanalo sa Metro Manila.
Nitong Huwebes, sinabi ni Sen. Miriam Defensor Santiago, sa panayam sa kanya ng Manila Bulletin, na sakaling siya ang mahalal na pangulo sa Mayo 9, agad niyang ipag-uutos ang imbestigasyon sa mga tinatawag niyang “commercial survey.” Sa pamamagitan ng mga survey na ito, aniya, ilang grupo “dictate to us and precondition our minds” sa kung sinong kandidato ang mahahalal.
Sa susunod na mga araw, asahan na natin ang mas masigasig na pagsisikap upang impluwensiyahan ang opinyon ng mga botante. Naglutangan na ang mga akusasyon tungkol sa mga hindi iniulat na bank account. May mga alegasyon na rin ng pakikialam ng ibang bansa para paboran ang isa o ibang kandidato. Maiuulat din ang mga hadlang na pulitikal at mga grupo ng mayayamang negosyante na maglilipat ng kanilang suporta. At siyempre pa, maglalabasan ang mga resulta ng survey, na ang ilan ay tiyak nang taliwas sa iba pang survey.
Kabi-kabila ang inaasahang paninira at depensa, pagsasampa ng sari-saring kaso at kontra asunto. Magiging mahirap ito, ngunit kumpiyansa tayo na sa kabuuan, ang mga botanteng Pilipino ay makapag-iisip nang maayos sa harap ng iba’t ibang gimik, pang-uuto at panloloko, at magiging matalino sa kanilang pagboto sa Lunes.