Inihayag kahapon ng militar at mga opisyal ng pulisya na pinalaya na ng Abu Sayyaf ang 10 Indonesian na tripulante ng tugboat na hinarang at binihag ng grupo habang naglalayag sa Mindanao noong Marso.
Ayon kay Jolo Police chief, Supt. Junpikar Sitin, maayos ang lagay ng mga Indonesian nang makita niya ang mga ito kahapon, bago dinala ang mga dayuhan sa kampo ng militar sa Jolo, Sulu.
Agad na pinakain ang mga Indonesian at isasailalim sa proseso para mailipat na sa mga opisyal ng Indonesia ang kostudiya sa mga ito.
Malugod namang tinanggap ni Jolo Mayor Hussin Amin ang balita ng pagpapalaya sa mga Indonesian, bagamat hindi, aniya, niya batid kung nagkabayaran ng ransom sa insidente.
Matatandaang pinugutan ng Abu Sayyaf nitong Abril 25 ang Canadian na si John Ridsdel makaraang mabigong magbayad ng ransom ang pamilya nito.
Kasunod ng pamumugot, pinaigting naman ng militar ang mga operasyon nito laban sa Abu Sayyaf. - Associated Press