GAPAN CITY, Nueva Ecija - Nasa balag na alanganin ngayon ang isang re-electionist na bise alkalde makaraan siyang ireklamo ng panghahalay sa inaanak niya sa kasal, na tinakot pa umano niyang ipakakalat ang video sa hubo’t hubad na katawan ng babae.

Lakas-loob na naghain ng demanda nitong Abril 21 ang 19-anyos na biktima laban kay Vice Mayor Antonio “Tony” Romero, ng Del Pilar Street, Sta., Rosa, Nueva Ecija, sa tanggapan ni City Prosecutor Dino Adriosula ng Gapan City.

Ayon sa biktima, pinili niyang huwag magsalita sa nangyaring panghahalay hanggang sa muli niyang makita si Romero noong kalagitnaan ng Abril at sinabihan umano siya nito na baka gusto niyang magpalamig sa “dating gawi” sabay pakita sa kanya ng cell phone na ginamit umano ng opisyal para kuhanan siya ng video habang hubo’t hubad.

Sinabi ng biktima na tumayong ninong si Romero sa kanyang kasal sa United Methodist Church noong Enero 10, 2016, ngunit makalipas ang isang buwan ay napagawi ang bise alkalde sa kanilang lugar at napag-alaman nitong nagkahiwalay na silang mag-asawa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, dinala siya ni Romero sa isang hotel sa likod ng Waltermart sa Gapan City at doon siya hinalay.

Pagkatapos, inalok pa umano siya ni Romero ng full scholarship sa kanyang pag-aaral at binigyan siya ng P700 matapos siyang ihatid sa kanto ng Bucana sa Gapan.

Tumanggi namang magkomento si Romero sa kaso dahil hindi pa niya nababasa ang reklamo ng biktima.

Itinakda naman ni Fiscal Adriosula sa Mayo 5 ang unang pagdinig sa kaso. (Light A. Nolasco)