KINIKILALA ng opisyal ng Embahada ng United States sa usaping kultura ang mahalagang tungkulin ng mga mamamahayag sa pag-uulat ng biodiversity—ang proteksiyon at pangangalaga rito, kaya naman tuluy-tuloy itong nagpupursige sa pagsusulong ng mga usaping pangkalikasan.
Sinabi ni Ryan Bradeen, assistant cultural affairs officer sa US Embassy, na makatutulong ang media sa paghimok sa mamamayan, partikular sa sektor ng kabataan, na pangunahan ang pagbibigay ng proteksiyon at pangangalaga sa biodiversity.
Tinukoy niya ang kabataan bilang pangunahing sektor na naninindigan sa mga usapin sa biodiversity dahil lumalaki ang populasyon ng kabataan.
Nasa Davao City si Bradeen para sa Davao-leg ng Biodiversity Reporting sa Philippine Eagle Foundation, na inorganisa ng Young Southeast Asian Leaders Initiative (YSEALI). Nakisali na ang YSEALI sa biodiversity reporting forum na ang mga mamamahayag ay maaaring maglathala ng mga positibong ulat tungkol sa biodiversity at sa iba pang matatagumpay na inisyatibo na karapat-dapat na iulat sa publiko.
Matatandaang masigasig ang USAID, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pagpapabuti sa sistema ng pagbibigay ng proteksiyon sa kagubatan at biodiversity ng Pilipinas sa pamamagitan ng USAID-DENR Biodivesity and Watershed Improved for Stronger Economy and Ecosystem Resilience (B-WISER) Program.
Ayon kay Karen Lapitan, isang YSEALI grantee at siyang focal person ng proyekto, nais nilang hingin ang tulong ng mga mamamahayag sa paghahatid ng mensahe sa publiko upang maging mulat ang mga ito sa usapin at hikayatin na rin ang pagsisikap para sa nagkakaisang pagpoprotekta sa biodiversity at sa iba pang programang kaugnay nito.
Isa sa mga inisyatibo tungkol sa pagbibigay ng proteksiyon sa biodiversity ang The LAWIN Forest and Biodiversity Protection System.