Libu-libong pasahero ang muling naperhuwisyo sa panibagong aberya sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT)-3 na nataon na naman sa rush hour sa Quezon City at Mandaluyong area, kahapon ng umaga.

Dakong 6:00 ng umaga nang magkaroon ng problemang teknikal sa mga tren ng MRT dahil sa hinihinalang bitak sa riles sa southbound tracks ng Shaw Boulevard at Boni Station.

Agad na nilimitahan ng pamunuan ng MRT-3 ang biyahe ng tren mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard stations lang at pabalik.

Mabilis namang nagtungo ang ilang MRT personnel sa pagitan ng Shaw Boulevard at Boni stations na roon nagsagawa ng pagkukumpuni sa riles.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dahil sa aberya, nagngitngit sa galit ang mga pasahero sa bagong kalbaryong kanilang inabot nang magtiis sa napakahabang pila sa mga apektadong istasyon.

Ilang pasahero ang nagpasyang sumakay ng bus at jeep upang hindi mahuli sa kanilang trabaho.

Pasado 7:00 ng umaga nang bumalik sa normal ang operasyon ng MRT at umabot sa 12 tren ang bumiyahe sa naturang oras.

(Bella Gamotea)