Dapat na may sey ang mga estudyante sa mga pamunuan ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa upang maiwasan ang hindi makatwirang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin, ayon kay Senator Francis “Chiz” Escudero.
Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ni Escudero ang pagsasabatas ng Magna Carta of Students na unang ipinanukala noong 1987.
“May representasyon dapat ang mga estudyante sa mga board ng lahat ng pribadong paaralan, para makonsulta kaugnay ng anumang pagtataas ng bayarin sa eskuwelahan,” sinabi ni Escudero sa isang konsultasyon sa mga estudyante sa Legazpi City, Albay, kamakailan.
“Bahagi rin ng Magna Carta of Students ang pagsasabi na sa anumang pagtataas ng tuition fee, dapat mas malaking porsiyento nito ay mapunta sa welfare ng mga estudyante,” dagdag pa ng kandidatong vice president.
Isa si Escudero sa may akda ng Senate Bill No. 308 o An Act Providing for a Magna Carta of Students, na inihain ni Sen. Cynthia Villar noong 2013.
Ayon sa mga ulat, 400 kolehiyo at unibersidad ang nagpaplanong magtaas ng matrikula sa school year 2016-2017. (Beth Camia)