Itataguyod ng tambalan nina Senator Grace Poe at Francis “Chiz” Escudero ang isang “labor-friendly government” sakaling maluklok sila sa Malacañang sa eleksiyon sa Mayo 9.

Sinabi ni Escudero na isusulong nila ni Poe ang mga patakaran na pabor sa mga obrerong Pinoy hindi lamang ang mga nasa bansa kundi maging ang nasa ibayong dagat.

“Dapat ang tingin sa mga manggagawa ay hindi po kasangkapan lang ng negosyo, partner dapat sila ng mga negosyante.

Kasabay dapat sila sa paglago ng kumpanya’t negosyo, hindi parang makina na nilalangisan mo lang o ginagasolinahan, tatakbo na. Dapat may pakiramdam at malasakit ang mga negosyante sa kanilang mga empleyado,” giit ni Escudero.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kapwa isinusulong nina Escudero at Poe ang pagpapababa sa personal income tax, istriktong pagpapatupad ng minimum wage law, paghinto sa labor contractualization, at iba pa.

“Sa ilalim ng Saligang Batas, ginagarantiya ang security of tenure. Hindi po bagong batas ang kailangan. Kailangan lang i-repeal ang isang department order ng DoLE na binuksan ang pintuan at bintana para maging legal ang contractualization,” ani Escudero.

“Kailangang iutos lang ng Pangulo sa DoLE Secretary niya na i-repeal ang Department Order No. 18, series of 2011, endo (end of contract) na ang endo, bawal na ang contractualization,” dagdag ng beteranong mambabatas.

Balak din ng tambalang Poe-Escudero na magtayo ng hiwalay na departamento na tutugon sa pangangailangan ng mga OFW at lumikha ng P100 bilyon pondo para rito. (Leonel Abasola)