UNANG araw ngayon ng Mayo. Sa kalendaryo ng Simbahan ay kapistahan ni San Jose--ang patron saint ng mga manggagawa.
At ngayong ika-1 ng Mayo ay ipinagdiriwang ang Labor Day o Araw ng Paggawa na iniuukol sa pagpapahalaga sa mga manggagawa hindi lamang sa iniibig nating Pilipinas, kundi sa buong daigdig. Ang araw na ito ay idineklarang national holiday bilang pagkilala at pagpupugay sa sektor ng lipunnan na katulong at kabalikat sa pag-unlad ng bansa. Ngunit ang nakalulungkot, ‘tulad ng mga magsasaka, ang mga manggagawa ay patuloy na kulang sa tangkilik at kalinga ng pamahalaan.
Ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ay sinimulan ni Matthew Maguire, isang mekaniko sa Peterson, New Jersey noong 1882. Siya ang nagpanukala ng “workingman’s holiday” o pista ng manggagawa. Ang pandaigdigang pista ng mga manggawa ay unang ipinagdiwang sa Estados Unidos noong 1884. Ang estado naman ng Oregon ay ang unang nagpatibay ng batas na nagdedeklara ng Araw ng Paggawa bilang pista opisyal. Ang unang Araw ng Paggawa sa Pilipinas ay ipinagdiwang naman noong Mayo 1903. Nagkaroon ng seremonya sa Malacañang sa pangunguna ng Obrero Democritio de Filipinas, isang samahan ng mga manggawa sa bansa, na pinamunuan ni Don Isabelo de los Reyes. Noong Mayo 1, 1947, ipinagdiwang ang Labor Day bilang isang malayang bansa.
Ngayong Mayo 1, ang ibang nasa pamahalaan at maaaring maging ang mga kandidato sa pagkapangulo ay bibigyang pagkilala at pansin ang kahalagahan ng mga manggagawa kahit-pakunwari. ‘Tulad ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ibinalita niya ang kanyang mga tambolero na makikiisa sa libu-libong manggagawa sa paggunita ng Araw ng Paggawa upang isulong ang pagpapatigil ng contractualization.
Minsan pa, habang may pakunwaring dinadakila ang mga manggagawa, tatampukan naman ang araw na ito ng mga kilos-protesta ng iba’t ibang pangkat ng mga manggagawa upang muling ipadama, ilantad ang kanilang mga pasakit. At muli ring batikusin ang kawalang-tangkilik ng pamahalaan sa kanilang kapakanan. Nakasulat at mababasa sa kulay-dugong mga titik sa mga placard kasabay ng pagwagayway sa mga bandila ng kanilang samahan.
Sa panig naman ng Department of Labor and Employment (DoLE), ‘tulad ng dati ay ibinalita ang pagkakaroon ng mga jobs fair sa Metro Manila at iba’t ibang lalawigan. Ibinalita rin na sa Region 2, ang mga manggagawa ay makatatanggap ng karagdagang P45 sa suweldo ngayong Mayo 1. Walang dagdag sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) at sa Calabarzon o Region IV-A.
Sa nakalipas na mga panahon hanggang sa matatapos na ang rehimeng Aquino, ang sektor ng paggawa’y laging dumaranas ng pang-aapi kahit nasa Pilipinas ang pinakamagaling na batas sa larangan ng paggawa, ang LABOR CODE, na ginawang modelo ng mga umuunlad na bansa sa International Labor Organization. Alam ito ng lahat, lalung-lalo na ng DOLE, ngunit ang batas ay hindi matapat na naipatutupad. (Clemen Bautista)