MAY isang kahanga-hangang kuwento tungkol sa isang pari at bus driver. Sabay silang nakarating sa pintuan sa Langit.

Inabot ng isang anghel sa pari ang isang plain na damit, at pinasok sa isang simpleng kuwarto.

Ngunit sa bus driver, inabot sa kanya ang kumpletong wardrobe na gawa sa mamahaling materyales at magarang kuwarto.

Nang makita ito ng pari, nagreklamo siya at sinabing: “Bakit sobra-sobra yung kanya kumpara sa’kin?”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinilip ng anghel ang record at sinabing, “Dahil noong panahong nagtuturo ka ng Salita ng Diyos, ang mga tao ay inaantok, ngunit sa driver, tuwing siya’y nagmamaneho, nagdadasal ang mga pasahero.”

Ang driver na mabilis at nakakatakot magpatakbo ng sasakyan ay mas epektibo sa pagpapalapit sa Diyos kumpara sa ginagawa ng pari! (Ang leksiyon: Sa mga kapwa ko pari, mas pagtuunan pa natin ang pagtuturo ng Salita ng Diyos).

Ngayon ay Labor Day at, kagaya ng nabanggit na kuwento, ang bawat manggagawa ay kinakailangang mamahinga at pag-isipan kung paano niya ginagampanan ang kanyang trabaho. Maaasahan ka ba? Matapat at patas?

Noong 1955, idineklara ni Pope Pius ang kapistahan ni St. Joseph the Worker sa Mayo 1.

Naging mataas ang dignidad ng mga manggagawa dahil kay Jesus na naglingkod bilang isang mahirap na “anak ng karpintero.”

Itinuturo sa mga Kristiyano na ang pagtatrabaho ay hindi dapat itinuturing na pasakit para lamang may mapagkakitaan, ngunit ituring itong isang paraan para mapaglingkuran ang kanyang kapwa.

At ang paglilingkod sa kapwa ay hindi hinihingan ng kahit anong kapalit at karangalan.

May kuwento tungkol sa mga manggagawa na nagtatayo ng gusali. Tinanong ang isa sa kanila kung ano ang kanyang ginagawa; sumagot siya, “Naghahalo ako ng semento.”

“Eh, ikaw?” balik-tanong ng lalaki. “Nagtatayo ako ng mataas na pader,” sagot niya. At tinanong naman ang ikatlong lalaki at sinabing: “Nagtatayo ako ng simbahan para sa Panginoon.”

Ang leksiyon ay: “Huwag tumingin ng malapitan. Tumanaw nang mataas at mas malayo, iyon ay, eternal salvation.

(Fr. Bel San Luis, SVD)