ILOILO CITY – Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang 1.34 na milyong rehistradong botante sa Iloilo na maging maingat sa paghawak at pagsagot sa balota.

Ayon kay Atty. Wil Arceño, Comelec-Iloilo supervisor, dapat iwasan ng mga botante na magkamali sa pagsagot sa kanilang balota sa Mayo 9.

Ito, aniya, ay dahil sa polisiya na isang balota lamang ang inilaan ng Comelec para sa bawat botante.

Kung nagkaroon ng problema sa balota, dapat na tukuyin ng board of election inspectors (BEIs) kung ang pagkakamali ay kasalanan ba o hindi ng botante.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“If it is not the fault of the voter, then a ballot can be replaced. If the fault is with the voter, it cannot be replaced,” paglilinaw ni Arceño.

Gayunman, nananatiling kumpiyansa si Arceño na sasapat ang balota para sa mga botante sa siyudad at lalawigan ng Iloilo kahit pa magkaroon ng problema at kinakailangang magpalit ng balota.

Sa mga nakalipas na halalan, aniya, nasa 80 porsiyento lamang ng mga botante ang bumoboto.

Samantala, dumating na rin sa Iloilo City ang mga vote counting machine (VCM).

Ipamamahagi ng Comelec-Iloilo ang mga VCM sa 2,748 clustered precinct simula sa linggong ito, at magkakaloob ng seguridad ang pulisya o militar.

Sinabi ni Arceño na nasa bodega rin sa Iloilo City ang mga VCM para sa Aklan, Antique, Capiz, at Guimaras. (Tara Yap)