DETERMINADO si Pope Francis na buhaying muli ang kanyang mga pagsisikap upang tulungan ang mga Syrian refugee nang bumisita siya sa isla ng Greece na Lesbos may dalawang linggo na ang nakalipas, at isinama sa kanyang pagbabalik sa Vatican ang 12 Syrian at tatlong pamilya. Mula sa Syria, lumikas ang tatlong pamilya patungong Turkey, bago naglakbay papuntang Greece sa pamamagitan ng pagtawid sa Aegean Sea, hanggang nakarating sa Lesbos na rito ay nasumpungan nila ang daan-daang iba pang refugee na pawang tinutunton ang gitnang Europe.
Kasama ni Pope Francis sina Ecumenical Patriarch Bartholomew at Archbishop Ieronymos ng Athens. Dahil sa 13 mula sa Lesbos, nasa 20 na ang refugee na nakatira ngayon sa Vatican—tunay na maliit na bilang. Ngunit hindi pa aabot sa 1,000 ang nakatira sa Vatican at kung ang buong Europa, sa 300-milyong populasyon nito, ay tatanggap ng mga refugee sa kaparehong bilang ng kinupkop ng Vatican, may anim na milyon ang makapagsisimulang uli ng kani-kanilang buhay sa Europa.
Sa kasamaang palad, ang pagpupursige ng Papa na tulungan ang mga lumilikas mula sa paglalaban sa Syria ay taliwas sa lumalawak na pagtataboy sa kanila ng mga bansa sa Europa. Noong nakaraang buwan, bumuo ng kasunduan ang European Union sa Turkey, at rito ay sumang-ayon ang Turkey na kupkupin ang mga asylum seeker na makararating sa Greece, kapalit ng pangako ng European Union na pagkakalooban ang Turkey ng anim na bilyong euro upang tulungan ang nasa 2.7 milyong Syrian na stranded ngayon sa Turkey.
Dahil dito, isasara ang ruta sa Aegean at mapipilitan ang mga Syrian refugee na dumaan sa ibang ruta patawid ng Mediterranean patungong Europa—Italy, Spain, Russia, at Finland. Tunay namang sinuwerte ang tatlong pamilyang Syrian na isinama ni Pope Francis sa kanyang pag-uwi sa Vatican dahil nabigyan sila ng Santo Papa ng panibagong pagkakataon sa buhay.
Ang pagwawakas ng digmaan sa Syria ang pangmatagalang solusyon sa refugee crisis. Isang partial ceasefire ang napagkasunduan noong Pebrero sa pagitan ng puwersa ng gobyernong Syrian at ng karamihan sa mga grupong rebelde, maliban sa teroristang Islamic State at al-Nustra Front. Nagpasya ang United States na magpadala ng karagdagang tropa ng 250 Special Forces upang makatulong ng mga puwersang lumalaban sa mga teroristang ito. Samantala, nagpupulong sa Geneva ang mga nakikipagnegosasyon para sa kapayapaan, sa tulong ng United Nations.
Kaya sa maraming anggulo—sa lugar man ng labanan sa Syria at sa mga conference hall ng Geneva—maraming bansa ang nagtutulung-tulong upang resolbahin ang problema sa Syria. Pinili ni Pope Francis na ituon ang kanyang mga pagsisikap sa anggulong makatao, sa mamamayan na tunay na biktima at nagdurusa sa mga paglalabang ito. “All refugees are children of God,” sabi ng Santo Papa, kasabay ng patuloy niyang pag-apela sa Kristiyanong Europa na kupkupin at tulungan ang karamihan ay Muslim na refugees mula sa Syria.