Nakipagsosyo ang AF Payments, Inc., isang consortium ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) at Ayala Corp., sa tatlong bus operator para tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng contactless Beep card, ang tap and go payment scheme nito.
Nakipagkasundo ang consortium sa Froehlich Tours, HM Transport at Citylink Coach Services, para sa unang pagsalang nito sa mga bus na bumibiyahe sa Metro Manila.
Sakop ng partnerships ang mga ruta gaya ng Trinoma hanggang Makati at SM North EDSA hanggang SM Megamall para sa Froehlich Tours; Airport Loop para sa HM Transport at Eastwood City; Uptown Bonifacio, San Lorenzo Place, McKinley Hill, at Newport City para sa Citylink Coach Services.
“This is an important milestone for AF Payments and a welcome development for commuters who have long wished for a travel card within the Metro area,” pahayag ni AF Payments Inc. President at CEO Peter Maher.
Sa kasalukuyan, sinusubukan ng grupo ang bagong sistema sa lahat ng partner bus operator nito at umaasang magiging online ang sistema as soon as possible.
“As soon as we go live, the 1.75 million Beep cards in circulation will be accepted on those buses displaying the Beep™ acceptance mark,” dagdag niya.
Nananawagan ang AF Payments sa iba pang bus operator sa lungsod na sumali at pakinabangan ang mga benepisyo ng cashless ticketing, kabilang na ang malaking maititipid sa operational expense kaugnay sa ticket issuance at fare collection.
Ang Beep™ card ay isang tap and go payment system na tinatanggap sa tatlong elevated railway (LRT 1, 2 at MRT 3).
Maaari itong i-reload nang hanggang P10,000 at magagamit sa loob ng apat na taon. (EMMIE ABADILLA)