Dalawampu’t isang miyembro ng isang rowing team ang nasagip habang isa nilang kasamahan ang nawawala matapos tumaob ang kanilang bangka habang sila’y nagsasanay sa Manila Bay, malapit sa Cultural Center of the Philippines (CPP) complex, kahapon ng umaga.

Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nawawalang si Jerome Tipon, 30, residente ng Tondo, Manila.

Ayon sa ulat ng PCG, pauwi na ang mga biktima, na pawang miyembro ng Alab Sagwan Pilipinas Rowing Team, nang tumaob ang kanilang dragonboat may 20 hanggang 30 metro ang layo sa Manila Yacht Club, dakong 6:00 ng umaga.

Sinabi ng isang team member na nawalan ng balanse ang dragonboat kaya tumaob ito.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nakumpirma rin ng PCG na walang butas ang ano mang parte ng bangka.

Ayon sa ilang miyembro ng Team Alab Sagwan, pilit nilang inabot ang kamay ni Tipon subalit patuloy siyang itinulak ng tubig palayo sa dragonboat.

“Sabi ng mga kasamahan niya, siya ang nakita nilang huling nakakapit sa bangka nung tumaob, dahil ‘yung iba ay nagkapit-kapit na sila hanggang dumating ‘yung ibang dragonboat teams at ni-rescue na sila,” ayon kay PCG spokesman Cmdr. Armando Balilo. (Jenny F. Manongdo)