Naungusan ng Ateneo de Manila University ang De La Salle University, 5-4, para makausad sa championship round ng UAAP Season 78 men’s football tournament kahapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Naging susi sa panalo ng Blue Eagles ang nagawang ‘saved’ ni goal keeper JP Oracion sa penalty shootout upang tulungan ang Blue Eagles sa championship round sa unang pagkakataon makaraan ang tatlong taon.
Nabasa ni Oracion ang tangkang goal ni Jose Montelibano para ihatid ang Ateneo sa title showdown kontra University of the Philippines sa Mayo 5.
“Hindi ko naman sinasabi na mananalo kami sa penalties. Pero ang gusto ko sa mga players ko ay na-handle nila ang pressure ng penalty (shootout),” ayon kay Ateneo coach JP Merida.
Naunang naka goal para sa Ateneo si Carlo Liay sa ika-37 minuto, bago naitabla ni Gelo Diamante ang laban sa ika-75 minuto.
May tsansa sana si Diamante na maipanalo ang Ateneo sa maagang pamamaraan ngunit sumablay ang kanyang tira sa ika-86 na minuto.
Ito ang unang pagkakataon na muling magkakaharap ang Ateneo at UP sa finals mula noong 2012 kung saan winalis ng Blue Eagles ang serye. (Marivic Awitan)