Isinailalim sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng eleksiyon sa Mayo 9 ang 39 na bayan sa Northern Luzon at walong bayan sa Lanao del Norte sa Mindanao, dahil sa sunud-sunod na karahasan sa kampanya.

Kabilang sa 39 na bayan at lungsod na isinailalim sa areas of immediate concern ng Comelec ang buong Region 1.

Sinabi ni Atty. Julius Torres, Comelec-Region 1 director, na nasa ilalim na ng kontrol ng Comelec ang 15 bayan sa Pangasinan, 10 sa Ilocos Norte, pito sa Ilocos Sur, at anim na bayan sa La Union.

Kaugnay nito, mahigpit ang ipinatutupad na koordinasyon ng Comelec sa pulisya at militar sa rehiyon hinggil sa halalan sa Mayo 9.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasa 2,950,775 ang mga rehistradong botante sa Region 1.

Samantala, umakyat na sa walo ang mga bayan sa Lanao del Norte na nasa ilalim ng kontrol ng Comelec, dahil sa umiinit ang labanan ng magkakaaway na kandidato sa magkakaibang posisyon, bukod pa sa presensiya ng mga private armed group.

Tinukoy ni Supt. Surkie Sereñas, tagapagsalita ng Lanao del Norte Police Provincial Office, na kabilang sa walong bayang ito ang Nunungan, Kauswagan, Magsaysay, Salvador, Tagoloan, at Pantar.

Ayon sa pulisya, tuwing mapapasailalim sa kontrol ng Comelec ang 47 bayan ay mawawalan ng kapangyarihan ang mga halal na opisyal sa halalan, dahil ang poll body ang direktang mangangasiwa sa lahat ng opisyal na transaksiyon.

(FER TABOY)