Nabigo ang mga pagtatangka na sirain ang website security ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at hindi ito ang unang pagkakataon na nasupil ang mga kaparehong pagbabanta.
“There have been questions about attempts to hack the BSP website,” sabi ni Tetangco. Tiniyak niya sa publiko na “up and running” ang website nito.
“We remain vigilant and continue to follow security protocols for its protection,” diin ng BSP chief.
Sinabi ni Tetangco na ang mga pagtatangka sa website ng BSP ay isang bagay na halos regular nilang hinaharap, at “always there”.
Naglabas din ng babala sa umiigting na mga cybercrime ang SWIFT (Society for Worldwide Interbank Financial Telecommunication), na nagkakaloob ng global financial network.
May mga ulat na hindi sapat ang proteksiyon at hindi updated ang SWIFT network ng Bangladesh Bank, na nabiktima ng cyber theft na nagkakahalaga ng $81 million na bahagi ng kanyang account sa US Federal Reserve Bank.
Samantala, kamakailan ay nagdaos ang SWIFT ng business forum sa Manila upang talakayin ang mga isyu sa technology at compliance.
Sa parte ng gobyerno, kasalukuyang naghahanda ang BSP na lumipat sa National Retail Payment System (NRPS) na ipinaliwanag sa forum.
Inilunsad ng central bank ang NRPS noong Disyembre at hinihikayat nila ang mga Pilipino na mas gamitin ang electronic payments sa pakikipagtransaksiyon sa mga susunod na taon.
Sa ngayon, isang porsiyento lamang ng 2.5 billion payment transactions per month na nagkakahalaga ng $74 billion ang binabayaran sa pamamagitan ng electronic systems.
“With NRPS, we hope to see the one percent share of electronic payments increase to at least 20 percent by 2020,” sabi ni Tetangco sa paglulunsad.
Ang nalalabing 99 na porsiyento ay binabayaran ng cash o checks ayon sa diagnostic report ng Better Than Cash Alliance. (Lee C. Chipongian)