Naglatag ang Philippine National Police (PNP) ng emergency measures sakaling magkaroon ng power outages habang isinasagawa ang botohan at habang binibilang ang mga boto para sa halalan sa Mayo 9.
Sinabi ni PNP chief Director General Ricardo Marquez na ito ay mga simpleng hakbang para maprotektahan ng mga botante at Board of Election Inspectors ang buong araw ng eleksiyon -- magdala ng flashlight at lampara.
“The instruction is they should carry with them flashlights and high-pressure lamps and that our personnel should be on the precincts at least a day before the elections,” wika ni Marquez.
Nilinaw ni Marquez na ang hakbang na ito ay para lamang protektahan ang mga botante at election personnel, idinagdag na may hiwalay silang diskarte para sa power outage.
Ito ay dahil ang 2016 elections, gaya ng nakaraang dalawang halalan ay nakasandal sa elektrisidad sa pamamagitan ng automated polling machines.
Sinabi ni Marquez na isang Joint Interagency Task Force sa Mindanao ang itinatag para lamang sa pagtitiyak ng seguridad sa tower lines at iba pang pasilidad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
“There was no specific threat at the moment but we are providing security in the facilities. There are other issues that impacts on the tower lines,” pahayag ni Marquez.
Ang banta at pambobomba sa mga tore ng NGCP, aniya, ay walang kinalaman sa terorismo ngunit ito ay kaugnay sa usapin ng hindi pagbabayad ng right of way para sa konstruksiyon ng tore. (Aaron B. Recuenco)