Manny Pacquiao

Nagulat si Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III na binabalak ng mga militanteng Islamist na dukutin siya, at sinabing hindi dapat na isinapubliko ang umano’y plano laban sa kanya.

Ibinunyag ni Aquino nitong Miyerkules na may plano ang Abu Sayyaf Group (ASG), ang notoryus na kidnap-for-ransom gang na pumugot sa isang Canadian hostage noong Abril 25, na dukutin si Pacquiao o ang kanyang mga anak.

“I was alarmed when he announced… the Abu Sayyaf wanted to kidnap me. I’m surprised because all Filipinos are my friends. I love them, especially the Muslims,” sabi ni Pacquiao sa kanyang tahanan sa Manila.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sinabi ni Pacquiao na matapos ang mga pahayag ng Pangulo ay naglatag siya ng seguridad para sa kanyang asawa at mga anak, na nasa kanilang bayan sa General Santos habang siya ay nililibot ang bansa sa pangangampaya para maging senador.

“We asked for security, protection for my kids, my family to make sure they are safe, especially as I’m not there right now,” sabi ni Pacquiao.

Ayon kay Pacquiao, nagulat siya sa pahayag ni Aquino dahil hindi siya personal na sinabihan ng Pangulo bago isiwalat sa publiko ang umano’y plano.

“If it came from an intelligence report, it should have been kept secret and need not be announced. And why just now? We have to study this,” wika niya.

Naglabas ng pahayag si Aquino matapos matagpuan sa Jolo, Sulu ang pugot na ulo ng Canadian na si John Ridsdel.

Pinaniniwalaang mahigit 20 pang banyagang bihag ang hawak ng ASG, na ang mga lider ay nagdeklara ng alyansa sa grupong Islamic State.

Sinabi ni Pacquiao na hindi siya makapaniwala na tinatarget siya ng mga Islamic militant dahil sa magandang relasyon niya sa mga Muslim sa Mindanao. “In fact, we support them. We give them livelihood so I don’t know where that came from,” aniya.

Sa kabila nito, sinabi ni Pacquiao, isang evangelical Christian, na hindi siya nababahala sa kanyang sariling kaligtasan at magpapatuloy sa pangangampanya.

“I live my life like every day is the last so I have no fear. God is with me,” aniya. (Agence France-Presse)