Sinibak sa puwesto ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang manager ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kaugnay ng limang-oras na brownout na labis na nakaperhuwisyo sa libu-libong pasahero ng paliparan nitong Abril 2.

Sa bisa ng Office Order No. 67 na may petsang Abril 26, 2016 at pirmado ni NAIA General Manager Jose Angel Honrado, pinalitan ni Operations Head Engr. Ricardo Medalla, Jr. si Octavio Lina bilang NAIA Terminal 3 manager.

Epektibo sa Mayo 13, si Lina ang tatayong officer-in-charge ng MIAA Operations.

Nananatili naman sa kani-kanilang puwesto sina NAIA Terminal 1 Manager Dante Basanta, Terminal 2 Manager Ric Gonzales, at Terminal 4 Manager Joy Mapanao.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang paglilipat ng puwesto kina Lina at Medalla ay aprubado ng Commission on Elections (Comelec) matapos pagbigyan ng poll body ang exemption sa Section 261 ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa paglilipat sa tungkulin ng mga nasa serbisyo publiko habang panahon ng eleksiyon.

Matatandaang libu-libong pasahero ng NAIA Terminal 3 ang na-stranded, habang mahigit 80 domestic flight ang nakansela at apat na international flight ang na-delay dahil sa blackout simula 8:45 ng Abril 2 hanggang 2:00 ng Abril 3. (ARIEL FERNANDEZ)