Kinasuhan ng dalawang opisyal ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang isang negosyante, na unang nagdawit sa presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ng estafa dahil sa pagpapanggap umano na miyembro ng naturang anti-crime group.
Binuweltahan ng mga opisyal ng VACC si Perfecto Jaime Tagalog, ng Coalition Filipino Consumers, dahil sa pagpapakilala sa sarili bilang miyembro ng VACC.
Sa tatlong-pahinang affidavit of complaint na nilagdaan nina VACC Chairman Martin Diño at Arsenio Evangelista, tagapagsalita ng grupo, kinasuhan si Tagalog ng estafa sa ilalim ng Article 318 ng Revised Penal Code (Other Deceits) na may katumbas na parusang prison mayor.
Itinuring ng VACC na “impostor” si Tagalog nang ipakilala ang sarili bilang miyembro ng grupo sa press conference nitong Abril 21, na rito ay idinawit nito si Duterte sa smuggling activities.
“Wala siyang awtorisasyon o pahintulot na gamitin ang pangalan ng anti-crime group,” pahayag ni Evangelista.
Ginamit na basehan ng VACC ang pahayag ng kanilang chief coordinator na si Rosita Roque na nasaksihan ang pahayag ni Tagalog sa media na miyembro ito ng grupo.
Nang kumprontahin ni Roque, sinabi ni Evangelista na umiskiyerda si Tagalog sa lugar. (Chito Chavez)