PREGGY pa pala si Marian Rivera nang unang i-offer sa kanya ng GMA-7 na mag-host ng talk show, pero hindi niya tinanggap dahil parang mahirap daw mag-host ng talk show habang buntis pa siya.
Kaya ang tinanggap lang niya ay ang hosting sa Sunday Pinasaya na inihinto niya bago siya nagsilang sa panganay nila ni Dingdong Dantes na si Baby Letizia last November.
“Nang ipanganak ko na si Baby Zia, muli itong ini-offer sa akin ng network,” kuwento ni Marian sa press launch ng Yan Ang Morning, ang first morning talk show niya. “Marami pa rin akong tanong noon, kung kakayanin ko ba? Pero sinabi nila, totoong Marian lang ang ipakikita ko sa show, hindi ko kailangang mag-pretend na mag-i-English ako, magmamagaling ako o magmamaganda. At nang magsimula na kaming mag-taping, marami agad akong natutunan sa show, may audience kami, kaya nai-share ko sa kanila ang alam ko, nagkakatulungan kami. Na-realize ko na kapag gusto mo ang ginagawa mo, wala namang imposible, try lang, hindi ba?”
Hindi ba siya pressured as host ng talk show?
“Hindi naman, kasi hindi ko ito ginagawa para makipagkumpetensiya o makipaglabanan kahit na kanino. Ang totoo nahihiya ako dahil hindi naman ako sanay mag-host. Pero ang advice sa akin ng asawa ko, ‘be yourself.’ Thankful ako kay Dong dahil very supportive siya sa akin. Kapag nasa bahay siya at nagbabasa ako ng script, nakikibasa siya at pinag-uusapan namin ang topic. Kaya nagpapasalamat ako sa kanya dahil nandiyan siya para i-guide ako. Kaya wala akong pakialam doon sa mga nagsasabi na bakit ako magho-host, di naman ako mahusay mag-English at hindi ko ma-pronounce ang words nang tama. Sa akin, okey lang, I want to give it a try, wala naman sigurong masama, di ba?”
Siya ba ang mamimili ng guests niya? At may humirit pa ng tanong kung puwede bang mag-guest si Heart Evangelista?
“Hindi, hindi ako namimili, kahit sino p’wedeng mag-guest. Wala akong haharangin. Kahit sa Sunday Pinasaya hindi ko iyon ginagawa. Kahit sa dance show ko noon na Marian, lahat welcome. Walang hindi ko igi-guest lalo na kung siya o sila ang nakaka-relate sa topic na idi-discuss.
“Minsan nga, bago nila ibigay sa akin ang script, may nakuha na silang guest. Wala sa akin iyon, pinag-aaralan ko, nagri-research din ako tungkol sa topic at sa guest namin. Sa punto ng buhay ko ngayon na ang saya-saya ko, lalong lumawak ang pag-iisip ko at dapat pa ba akong magreklamo?”
Lumabas na ang magazine na first cover girl si Baby Letizia. Mabuti at pumayag sila ni Dingdong na i-pictorial na ang bagets.
“Hindi ko pa siya pina-pictorial, kuha lang iyon noong binyag niya. Ayaw namin siyang ipagdamot sa publiko, pero sa ngayon ay limited muna ang ipapakita namin dahil five months old pa lang naman siya.”
Biniro na naman si Yan kung kailan nila susundan ni Dingdong si Baby Zia.
“More to come,” natatawang sagot niya, “Ipinagpapasalamat ko na after Zia, bumalik na agad sa dati ang pangangatawan ko. Kung ang kapalit ng maraming anak, okey lang sa akin. Bonus na iyong maganda at maging sexy pa rin kapag dumami ang anak namin.
“Pero nagpaplano kami ni Dong. Hindi naman biro ang buhay, gusto namin lumaki silang mabubuting tao, makapag-aral sa magandang eskuwelahan at magkaroon ng mabubuting asal. Gusto kong kapag lumaki sila, ipagmalaki nila na anak siya ni Dingdong, anak siya ni Marian. Pero gusto namin ni Dong, after one year pa namin sundan si Zia. Nagbi-breastfeed ako at kung magbuntis agad ako, kailangan kong ihinto ang breastfeeding ko dahil kapag buntis, may iinumin kang gamot at hindi p’wede iyon. Pero naroon pa rin kami kung iyon ang ipagkaloob ng Diyos, susunod kami.”
Sa Lunes, May 2, na ang pilot episode ngYan Ang Morning na co-host niya ang BFF niyang si Boobay sa direksyon ni Louie Ignacio, araw-araw, at 10:45 AM sa GMA-7. (NORA CALDERON)