HINDI lamang isang madamdaming pagsasalo sa tanghalian ang magaganap sa pagkikita-kita bukas ng pamilya ng mga magsasaka sa barangay Makarse at Mayamot sa Zaragosa, Nueva Ecija. Ilan lamang sila sa mga sinaunang magbubukid na matagal nang nandayuhan sa Zaragosa; nagmula sila sa mga lalawigan sa Kailokohan, partikular na sa Batac, Ilocos Norte. Nagkataon na ang malaking bahagi nito ay kinabibilangan ng pamilya Lagmay na nakatakdang magdaos bukas ng isang madamdaming pagtitipon.
Nakakikilabot man pag-usapan, subalit hindi maiiwasang magtanungan ang bawat isa: Sinu-sino na ba ang pumanaw sa inyo? Sinu-sino ang mga may karamdaman at kung anu-ano pa?
Palibahasa’y pawang angkan ng mga magsasaka, tiyak na magiging tampok na katanungan ang: Sumulong ba o umurong ang inyong ani? May ayuda ba ang gobyerno sa pagpapaunlad ng agrikultura, ‘tulad ng pagkakaloob ng mga binhi at iba pang gamit sa pagsasaka? Inalis na ba ang irrigation fees na nagpapabigat sa mga magbubukid? Talamak pa ba ang pagsasabuwatan ng National Food Authority (NFA) at ng gahamang middlemen sa pagbili ng ani ng magsasaka sa murang halaga?
Angkop na solusyon sa naturang mga katanungan ang panukala ng Abang Lingkod party list hinggil sa pagmamalasakit sa mga maralitang sektor ng mga magsasaka, kabilang na ang mga nangingisda. Hangarin nito na palakihin ang aning palay tungo sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon para sa mga mamamayan. Kaakibat ito ng pagkakaloob ng medisina at scholarship para sa pamilya ng mga magbubukid.
Maaaring makasarili ang ating paninindigan sa bagay na ito, subalit nagkataon na ang nominee sa Abang lingkod party list ay si Raissa Saipudin, apo ni Maria Lagmay na nagmula rin sa Batac, Ilocos Norte. ‘Tulad namin, nandayuhan din ang kanyang mga ninuno sa Mindanao; dito isinilang ang kanyang mga magulang. Inaasahan ang pagdalo ni Raissa at iba pa sa naturang reunion.
Nakalulungkot na tuwing may ganitong okasyon, lagi nating nagugunita ang ating mga mahal sa buhay na nauna nang pumanaw, lalo na ang ating mga mahal na magulang. Wala na tayong magagawa kundi hilinging sumalangit ang kanilang kaluluwa.
Sa ating pagtitipon bukas, ikagagalak nating masaksihan ang mabuting pagtitinginan, pagkakaunawaan, pagmamahalan, paggalang sa isa’t isa. Sa kabila ng pagiging magsasaka ng ating angkan, dapat natin itong ikarangal sa lahat ng pagkakataon. (Celo Lagmay)