Mahigit 4,000 summon na ang ipinadala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga nahuling lumabag sa batas trapiko simula nang ipatupad ng ahensiya ang ‘no-contact apprehension policy’ noong Abril 15.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, naging epektibo ang nasabing polisiya dahil nabawasan ang bilang ng mga pasaway na nagmamaneho ng sasakyan sa lansangan partikular na ang mga driver ng bus na nagbababa at nagsasakay ng pasahero sa ipinagbabawal na lugar at nakaharang sa mga pedestrian lane.
Ikinatuwa ni Carlos ang unti-unting panunumbalik ng disiplina sa mga motorista, lalo na sa public utility vehicles na karamihang nahuli sa mga paglabag sa trapiko.
Sa ilalim ng no contact policy ng MMDA, ang CCTV ang humuhuli sa mga pasaway na motorista. Ilalakip sa Kalakip sa ipinapadalang summon ng ahensiya ang mga kopya ng larawan at video ng nagawang paglabag ng driver.
Sa tulong ng high-tech na CCTV, kukunin lamang ang plaka ng lumabag na sasakyan para beripikahin sa LTO ang may-ari nito kung pribado o operator kung pampublikong sasakyan ang padadalhan ng summon at traffic violation receipt sa natukoy na address. (BELLA GAMOTEA)