ISANG traffic czar — ito ang magiging solusyon ni Senator Grace Poe sa matinding problema sa trapiko sa Metro Manila. Kapag nahalal, agad niyang itatalaga ang tatawagin niyang “traffic terminator” na may ranggong Gabinete at ang tanging tungkulin ay ang resolbahin ang problema sa trapiko, kabilang ang pagpaplano sa mga proyektong imprastruktura at pagkumpleto sa mga ito sa takdang panahon.
Sa unang bahagi ng buwang ito, hinimok ni Sen. Ralph Recto si Pangulong Aquino na agarang magtalaga ng isang energy czar para sa Mindanao, na tututok sa lumalalang kakapusan ng kuryente sa rehiyon. Bagamat may problema sa supply ng kuryente sa lahat ng sulok ng bansa, malinaw na kritikal ang suliraning ito sa Mindanao, na tumatagal ng walo hanggang 10 oras ang brownout sa ilang lugar.
Ang mga panukalang ito tungkol sa mga czar ay nagpapatunay na ga-higante na nga ang suliranin ng bansa sa trapiko at kuryente sa ngayon. Hindi na sasapat ang pagbuo ng study group, paglikha ng programa ng mga hakbangin sa loob ng ilang linggo o buwan, pagpopondo rito, at pagpapatupad ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno. Sumobra na ang laki ng mga problemang ito; kakailanganin na ng agaran at malawakang aksiyon. Kailangan na ang mga czar para epektibong matugunan ang mga ito.
Sa ikatlo at huling debate ng mga kandidato sa pagkapangulo sa Phinma University of Pangasinan, sari-saring problema ang idinulog ng iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Tinanong ang mga kandidato kung ano ang maimumungkahi nilang hakbangin tungkol sa suliranin sa South China Sea na itinataboy ang ating mga mangingisda mula sa kanilang tradisyunal na pangisdaan. Tinanong sila tungkol sa mga problema ng mga overseas Filipino worker.
Tinanong din sila tungkol sa trabaho at contractualization. At siyempre pa, inusisa rin sila tungkol sa matinding trapiko at sa kawalan ng sistema ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Ang mga suliraning ito, samakatuwid, ay umabot na sa antas na ang bawat isa ay dapat na masusing tutukan ng isang mataas na opisyal. Sa mga ito, itinuturing natin ang kawalan ng trabaho sa bansa bilang ang suliraning pinakanararapat na magkaroon ng opisyal na tututok—isang job czar.
Ang problema sa trabaho ay may kaugnayan sa pagdami ng OFW, na karamihan ay naghahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil sa matinding pangangailangan. May kaugnayan ito sa usapin ng contractualization na inaprubahan bilang batas upang makapag-hire ang mga kumpanya ng mas maraming manggagawa, ngunit napakalaki naman ng epekto sa seguridad sa trabaho. May kaugnayan din ito sa nagpapatuloy na problema sa matinding kahirapan sa bansa.
Isang czar, isang action man, na buong husay na ilalaan ang lahat ng kanyang kakayahan sa isang pangunahing problema, ang tunay na kinakailangan sa maraming larangan sa ating bansa sa ngayon. Ngunit ang usapin ng trabaho ang pinakakinakailangang tutukan sa ngayon—dahil na rin sa kahirapan ng paghahanapbuhay sa ibang bansa, sa kawalan ng seguridad sa trabaho, at higit sa lahat, sa pagpapatuloy ng kahirapan, na kabilang sa maraming magkakaugnay na problema ng bansa sa ngayon.