Naglagak ng P230,000 piyansa si dating Philippine Marines commandant Maj. Gen. Renato Miranda na nahaharap sa kasong graft sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y paglustay sa P36-milyon pondo na inilaan sa pagbili ng uniporme at allowance ng mga sundalo.
Nagtungo si Miranda sa Sandiganbayan Third Division upang maglagak ng P200,000 bail bond sa kasong malversation through falsification of public documents, at karagdagang P30,000 sa kasong graft.
Nilagdaan na rin ni Third Division Clerk of Court Dennis Pulma ang kautusan sa pagbawi ng arrest warrant na inilabas ng korte laban kay Miranda.
Sinabi ni Pulma na sa Hunyo 7, 2016 babasahan ng sakdal si Miranda at mga kapwa nito akusado na sina Lt. Col. Jeson Cabatbat, Maj. Adelo Jandayan, Capt. Felicisimo Millado, at Capt. Edmundo Yurong.
Kinasuhan ang grupo ni Miranda ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y pagkukutsabahan sa paglustay sa P36,768,028.95 na inilaan bilang Combat Clothing Allowance at Individual Equipment Allowance para sa Philippine Marines noong 2000.
Wala umanong natanggap na gamit at allowance at mga sundalo, ayon sa charge sheet. (Jeffrey G. Damicog)