Sinaluduhan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona na pumanaw kahapon ng madaling araw sa Medical City sa Pasig City, makaraang atakehin sa puso.
Ayon kay SC Assistant Court Administrator Atty. Theodore Te, ipinaalam ng pamilya ni Corona ang pagpanaw ng 68-anyos na dating punong mahistrado dakong 1:45 ng umaga kahapon.
Dahil dito, ipinag-utos ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na ilagay sa half mast ang bandila ng Pilipinas sa Korte Suprema at sa lahat ng korte sa bansa simula kahapon.
“His unblemished record of service to the Republic, the rule of law and legal education deserves the praise and emulation of every Filipino and every advocate of truth and justice. May the exemplary life of Chief Justice Corona be a beacon to light our way,” saad sa pahayag ni Arroyo.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang senatorial candidate na si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, dating miyembro ng prosecution team sa impeachment case na inihain ng Kamara laban kay Corona noong 2011.
“We should not forget that CJ Corona did good to the farmers in the Hacienda Luisita case. May he rest in peace,” ayon kay Colmenares.
Ilang buwan matapos siyang imbestigahan ng Kamara, sinabi ni Corona sa manunulat na ito na maghahain siya ng petisyon upang makabalik siya sa puwesto sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Aquino sa Hunyo 30, 2016.
Kumbinsido si Corona, kasama ang ibang mambabatas, na siya ay biktima ng “injustice” dahil sinuhulan umano ng gobyernong Aquino ang ilang kongresista at senador upang mapatalsik siya sa puwesto.
Sinabi ni Atty. Larry Gadon, miyembro ng legal team ni Arroyo, na ikinagulat ni GMA ang biglaang pagpanaw ni Corona.
(BEN ROSARIO)