Ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay North Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza dahil sa kasong graft kaugnay sa maanomalyang pagbili ng diesel fuel na aabot sa P2.4 million noong 2010.

Ito ay matapos maghain ang kampo ng gobernador ng motion for judicial determination sa 1st Division ng anti-graft court.

Ipinaliwanag ng legal counsel ng gobernador na si Atty. Thea Daep, sa pagdinig kahapon sa hukuman, na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng desisyon ng korte na nag-uutos ng pagpapalabas ng arrest warrant laban sa kanyang kliyente.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“We never received a copy of the Honorable Court’s ruling. That was why we still filed our motion for judicial determination of probable cause,” pahayag ni Daep.

Noong Abril 18, iniutos ng korte ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Mendoza matapos makitaan ng sapat na dahilan upang litisin ang kaso nito.

Nagpasya ang hukuman na ikansela muna ang pagpapaaresto kay Mendoza nang tanggapin ng korte ang nasabing mosyon ng kampo ng gobernador.

Iginiit naman ni state prosecutor Raymundo Julio Olaguer na hindi na dapat tanggapin pa ang mosyon ng kampo ni Mendoza dahil idineklara na ng korte na mayroong probable cause ang kaso.

Binigyan ng korte ng 10 araw ang prosekusyon upang makapagsumite ng kanilang komento. Limang araw naman ang ibinigay na palugit sa panig ng depensa para magkomento sa magiging kasagutan ng prosecution panel. (ROMMEL P. TABBAD)