DALAWANG insidente sa Mindanao ang bumida sa mga unang pahina ng mga pahayagan ngayong linggo.
Nitong Lunes, pinalaya ng New People’s Army (NPA) ang mga pulis mula sa Davao na siyam na araw na binihag ng mga rebelde. At nitong Lunes, isa sa tatlong dayuhang dinukot ng Abu Sayyaf ang napaulat na pinugutan dahil sa kabiguan ng pamilya nito at ng gobyerno na magbayad ng ransom.
Pinagsuot ng NPA ang mga pulis-Davao ng puting kamiseta na natatatakan ng “POW—Prisoner of War”. Isinuko sila kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte at binasa ng isang kinatawan ng NPA ang release order, alinsunod, aniya, sa 1949 Geneva Convention’s Protocol 1 on Treatment of Prisoners of War.
Ang Geneva Convention ay unang pinagtibay noong 1929 pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang bigyang-kahulugan ang makataong proteksiyon para sa mga bilanggo ng digmaan ng isang Detaining Power. Nirebisa ito at pinalitan ng Geneva Convention of 1949 na 196 na bansa ang partido sa kumbensiyon. Sa pagtukoy sa Geneva Convention sa pagpapalaya ng limang pulis-Davao bilang “prisoners of war”, malinaw na itinuturing ng NPA ang rebelyon nito bilang digmaan, at ang NPA bilang Detaining Power.
Sa kaso ng pagpugot sa binihag na Canadian, una nang idineklara ng Sandatahang Lakas na tutol ang gobyerno ng Pilipinas sa pagbabayad ng ransom at ang prioridad ay ang pagliligtas sa mga bihag. Ang itinugon ng Abu Sayyaf ay ang pagpugot sa Canadian na si John Ridsdel. Hawak pa rin nila ang mga kapwa ni Ridsdel na biktima ng pagdukot mula sa isang resort island sa Samal Island malapit sa Davao City, kasama ang 20 iba pang dayuhan na dinukot sa magkakaibang panahon at lugar sa Mindanao.
Ang dalawang insidente—ang pagpapalaya ng NPA sa “prisoners of war” nito at ang pagpugot ng Abu Sayyaf sa dayuhang bihag nito—ay malungkot na sumasalamin sa kalagayan ng kapayapaan at kaayusan at ang kawalan ng kakayahan ng gobyerno na igiit ang kapangyarihan nito sa bahaging ito ng ating bansa.
Kaya naman hindi kataka-takang parehong naglabas ng travel warnings sa kani-kanilang mamamayan ang United States at Australia at pinag-iingat ang mga ito sa pagbiyahe sa Mindanao, partikular na sa Zamboanga Peninsula, at iwasan ang anumang hindi mahahalagang pagbisita sa Sulu Archipelago at sa Sulu Sea.
Sa harap ng insidente ng pamumugot, inihayag ng Malacanang na itotodo ng gobyerno ang lahat ng hakbangin sa pagtugis sa Abu Sayyaf, habang sinabi naman ng pambansang pulisya at puwersa ng militar na pinaigting ng pinag-isang task group ang mga operasyon nito upang mapanagot ang mga kriminal. Narinig na natin dati ang mga pangakong ito. Patuloy tayong umasa sa isang magandang balita na magpapatunay na sa kabila ng lahat ng hadlang, nananatiling kontrolado ng gobyerno ang lahat.