KASING-halaga ng gampanin ng pangulo at pangalawang pangulo ang mga senador. Sapagkat malimit, ang mga walang silbing senador ay nakapipigil pa, sa halip na makatulong, sa magagandang proyekto ng isang administrasyon. Ang isang senador na mukhang pera at walang prinsipyo ay parusa sa bayan.

Sa nakaraang pangyayari, maraming naganap na nakita ng mga mamamayan kung gaano kagarapal ang ilang senador. Sa impeachment case na lamang ni Renato Corona ay naisiwalat ang katotohanan. Na karamihan sa sinasabing “magagaling at malilinis” na senador ay “nabili” ng milyun-milyon para parusahan si Corona. Kaya dapat na pag-aralan ding mabuti ang iboboto nating senador.

Sa kasalukuyan ay nagsisipanguna ang mga dati at kasalukuyang nangakaupong senador. Pero sila nga ba talaga ang mga karapat-dapat? Nasubok na natin sila, sila pa rin ba ang gusto natin? Baka puwede namang baguhin na? Baka puwedeng palitan na natin?

Richard Gordon, dating senador at kasalukuyang chairman ng Red Cross. Kilala sa talino at prinsipyo; Neri Colmenares, ng Bayan, matalino at kilala sa pagmamalasakit sa mga maralita at matatanda. Katunayan, siya ang awtor ng panukalang magkakaloob sana ng P2,000-dagdag sa pension ng SSS.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Si Susan Ople na malapit sa puso ng mga OFW; si Migz Zubiri, dating congressman at senador na nagbitiw ng kusa nang malamang hindi siya ang nanalo. Mayroon ba tayong makikitang ganyang kadisenteng tao ngayon? Si Roman Romulo na congressman ng Pasig ay isang magandang material; si Walden Bello, dating congressman buhat sa Akbayan na nagbitiw nang maniwalang pinagtatakpan ni Aquino ang tunay na nangyari sa Mamasapano.

At pagdating sa mga dating senador at kasalukuyang senador, si Ping Lacson na tanging senador na hindi tumatanggap ng PDAP, at Serge Osmeña na kasalukuyang chairman ng Committee on Banks.

Sila ang mga nag-iisip, masisipag, at mga disenteng dapat sa senado. Karamihan ay mga bagong mukha ngunit baka sakaling sa kanila ay magkaroon ng tunay na kahulugan ang salitang senador, hindi senatong! (Rod Salandanan)