PAGKALIPAS ng pitong taon ay muling magsasama ang magkaibigang Jake Cuenca at Gerald Anderson with Yen Santos sa pinakabagong teleseryeng Because You Love Me mula sa direksiyon ni Dan Villegas for Dreamscape Entertainment.
First major teleseryeng pinagsamahan ng dalawang aktor ang Tayong Dalawa (2009) bilang magkapatid sa ama na hindi nila alam at parehong nagtapos sa Philippine Military Academy.
Excited si Gerald nang ialok sa kanya ang Because You Love Me lalo na nang malaman niyang kasama si Jake.
“Isa sa dahilan kaya gustung-gusto kong gawin itong show na ito, kasi iba ‘yung Jake totoo ito ha, iba ‘yung element na nadadala niya, ‘yung intensity, ‘yung professionalism, ‘yung mahal niya ang craft niya.
“This guy right here,” sabay turo kay Jake, “na talagang nahawa, kung baga nabuo ako sa kanya. Sabi ko nga, first ever soap ko, 10 years ago, kasama ko siya. Siya ‘yung kuya ko, so over the last 10 years, ang dami kong natutunan sa kanya,” pagmamalaki ni Gerald kay Jake.
Parang sobrang overwhelmed ni Gerald dahil 2009 ’yung una nilang pagsasama ni Jake kaya paano naging 10 years?
“Naiiyak naman ako,” ganting sabi tuloy ni Jake. “Anyway, sabi ‘pag kasama ko siya, bad guy, good guy, extra or support, I’ll go with this guy no matter what.
“Grabe, ‘no, first soap, ‘yung Tayong Dalawa and then we did a movie pa (El Brujo, 2012). I always enjoy working with Gerald, lahat ng soap na nagawa namin, Sana Maulit Muli, Tayong Dalawa it’s been like a milestone in my life.
It’s always been there.
“So, ako rin he inspires me too and I look up to him because he’s such a role model. Kung baga Yin and Yang ‘yan, ako ‘yung black siya ‘yung white. I look up to him because he’s such an amazing, good person, talagang wala kang masasabing masama kay Ge. I might be older, but I look up to him.”
Ang ganda nga siguro talaga ng samahan ng dalawang aktor para masabi nila sa isa’t isa ang kanilang nararamdaman.
Sa kuwento, parehong sumasali sa triathlon ang tatlong bida ng Because You Love Me. Laking probinsiya at ambisyosa si Yen kaya lahat ay gagawin para makamit ang pangarap.
Kababata ni Yen si Gerald na simple lang ang gusto sa buhay, may ambisyon pero sa tamang paraan niya ito gustong makamit at hanapbuhay niya ang pagiging triathlon athlete.
Samantalang si Jake ay anak-mayaman, sunod sa luho at ang pakikipag-compete niya sa triathlon ay para lang ipagyabang sa lahat.
Ayaw idetalye ni Direk Dan ang buong istorya pero base sa intindi namin sa takbo ng usapan sa announcement ng project last Wednesday ay magkakaroon ng love triangle dahil gagamitin ni Yen si Jake para sumikat at umangat sa buhay.
Sa magandang lugar daw sa Mindoro ang entire shoot ng Because You Love Me na ayon mismo kay Direk Dan ay hindi pa nakukunan ng ibang serye at pelikula. Sa madaling salita, virgin island pa ito.
Pawang loveless sina Gerald, Yen at Jake at tinanong sila kung ano ang puwede nilang isakripisyo para sa taong mahal na mahal nila.
Aminado si Jake na unconditional love ang nararamdaman niya sa kanyang ex-girlfriend na si Sarah Grace Kelly na nakilala noong nasa New York City siya.
“Anytime na kailanganin niya ako, pupuntahan ko siya roon. I think, for me, that’s the easiest. I said na nu’ng kami pa, nu’ng umpisa, I said na I can drop anything dahil ganu’n ko siya kamahal.
“At kahit na nag-break kami, magkaibigan kami and I’ll still be there wherever she needs me. Loving her unconditionally is like loving your family no matter what.”
“At this point in my life ito ang natutunan ko, may ganito pala, just because you broke up doesn’t mean you guys doesn’t love each other. I drop everything for the person I love.”
Inamin din ni Gerald na hindi siya ang best person para tanungin pagdating sa lovelife dahil marami siyang pagkakamali sa mga nakaraang karelasyon niya.
“Hindi ako ‘yung best person para tanungin tungkol diyan kasi marami rin akong mistakes, pero kahit break na kayo, hindi mo malilimutan ‘yung oras, ‘yung panahon na naging kayo, ‘yung moments n’yo.’ Di ba kahit bad breakup, good breakup, friends kayo, sa inyong dalawa ‘yan, kahit anong mangyari, sa inyong dalawa ‘yan. Kahit wala na kayo, nandidiyan pa rin ‘yan, unconditional love, you still care for that person,” paliwanag ni Gerald.
“Sa akin po ‘pag dumating na ‘yung talagang love, God’s perfect love, kaya ko rin po isakripisyo lahat para magkasama kami, pero ngayon, wala pa po,” sabi naman ni Yen.
At kahit namumulaklak ang lovelife ni Direk Dan dahil parati niyang kasama si Direk Antoinette Jadaone, tinanong din siya kung ano ang kaya niyang isakripisyo sa ngalan ng pag-ibig.
“Same rin, willing mag-sacrifice para magkasama kayo, hirap kasi ngayon sa time namin,” sabi ng direktor.
(REGGEE BONOAN)