Dadayo ang mahuhusay na boxing prospects mula sa tinaguriang “Tuna Capital of the Philippines” upang magpakitang gilas sa Sabado sa Makati Square Arena.

Itatampok sa kauna-unahang pagkakataon ang boxing event ng Sanman Promotions sa Metro Manila -- ang 10-round clash ng kapwa walang talong bantamweight boxers na sina “Magic” Mike Plania (9-0, 4 knockouts) ng General Santos City at Lorence Rosas (5-0-2, 2 knockouts) ng Puerto Princesa.

Dating top amateur youth boxer ang 19-anyos na Plania na nag-uwi ng tatlong Palarong Pambansa at national titles at sumabak na rin sa 2013 AIBA Junior World Boxing Championships sa Ukraine.

Samantala, hindi na maninibago ang 21-anyos na southpaw sa Maynila dahil dalawang beses nang umakyat ng ring si Rosas sa nasabing venue.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

Nakataya sa kanilang salpukan ang World Boxing Federation (WBF) International bantamweight title.

Kasama rin sa fight card ang tusong boksingero na si John Vincent “Mulawin” Moralde (15-0, 7 knockouts) ng Davao City at makakasagupa niya si Jimmy Aducal (8-5-2, 6 knockouts) ng Northern Samar sa 10-round Featherweight bout.

Gayundin naman ang bakbakan ng may mabigat na kamaong si bantamweight prospect Reymart Gaballo (12-0, 10 knockouts) at Marlon Arcilla (8-4, 1 knockout) ng Binan City, isang tigasing 21-anyos na hindi pa napapatulog sa kanyang apat na kabiguan.

Umaasa si Sanman Promoter Jim Claude Manangquil, na nagtaguyod nang 33 professional events sa edad na 15 anyos pa lamang, na ito ang magsisilbing simula ng pagsasagawa pa niya ng maraming fight card sa Manila. (Gilbert Espeña)