Angeline copy

ONE-ON-ONE naming nakatsikahan si Angeline Quinto pagkatapos ng Q and A presscon ng upcoming concert na Divas: Live In Manila noong Miyerkules ng tanghali sa Felicidad Mansion kasama sina Yeng Constantino, Kyla, KZ Tandingan at Rachelle Ann Go produced ng Cornerstone Concerts.

Sa kabila ng tinatamasang kasikatan ngayon ni Angeline sa kanyang karera at nakapagpundar na rin ng sariling bahay at isinama niya ang kanyang Mama Bob, ang lola niya na nagpalaki sa kanya, na may kahilingan sa kanya na ikinababagabag niya.

Lagi raw sinasabi ni Mama Bob tuwing umaga na gusto na nitong magkaroon ng mga bata sa bahay nila. Sa madaling sabi, hinahanapan na siya ng anak.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Lagi kong dinadasal, Ate Reggee, sana mangyari ang sinasabi ni Mama Bob bago siya mawala kasi matanda na rin naman siya. Pero, ayokong magkaanak nang hindi kasal, ayokong pangunahan, ‘no!

“Nalulungkot nga ako, kasi hindi na nakita ng tatay ko ang pinaghirapan ko, lahat, hindi na niya nakita kung ano ako ngayon kasi nga wala na siya. Kaya ‘yung hinihiling ni Mama Bob, paano? Wala naman akong asawa pa,” kuwento sa amin ni Angeline.

Inalam namin ang sitwasyon o plano nila ni Erik Santos, pero ngumiti lang ang dalaga at sinabing, “Puro work ‘yun, ganu’n din ako.”

In short, walang relasyon sina Erik at Angge kaya walang plano.

In passing, nabanggit ni Angeline na may non-showbiz suitor siya na pormal na dumadalaw sa kanya sa bahay at talagang kinilala ang buo niyang pamilya.

Sa edad na bente sais, aminado si Angeline na gusto pa niyang mag-ipon nang husto habang may mga nag-aalok pa sa kanya ng shows at projects at magkaroon ng maraming hit songs tulad ng idolo niyang si Regine Velasquez.

“Gusto ko ring maging best actress,” walang kagatul-gatol na sabi ng dalaga.

Paano, e, hindi naman siya dramatic actress?

“Gusto kong i-remake ‘yung Anak, ‘yung kina Ms. Vilma Santos at Claudine Barretto, ako ang gaganap na Claudine,” pabirong sabi niya.

Pawang komedyana ang papel ni Angeline sa mga pelikulang nagawa niya tulad ng Born To Love You, Four Sisters and A Wedding, Bakit Hindi ka Crush ng Crush Mo at Beauty In A Bottle.

“Eh, kasi nga po wala namang ibinibigay sa akin na drama, kaya nga challenge ‘yun na sana bigyan ako ng drama at kaya ko ‘yun,” katwiran ni Angeline.

May ginagawang pelikula ngayon ang singer/actress (o ha, nadagdag na ang actress), ang That Thing Called Tanga Na mula sa direksyon ni Joel Lamangan produced ng Regal Entertainment at comedy na naman, so paano siya magkakaroon ng best actress trophy?

Samantala, sa concert na Divas: Live In Manila ay makakasama ni Angeline sina Kyla (Queen of R & B), Yeng Constantino (Pop-Rock Princess), KZ Tandingan (Soul Supreme) at Rachelle Ann Go (West End Diva) at tig-isa lang daw ang spot number nilang lima kaya sa kabuuan ng show ay magkakasama sila o may duet sila sa bawat isa.

Tinanong namin siAngeline kung sino ang pinakamagaling sa kanilang lima.

“Iba-iba po, kasi si Ate Yeng, pop-rock princess siya, nakakasulat siya ng kanta. ‘Tapos si KZ ganu’n din, nakakapagsulat din ng kanta saka iba rin ‘yung style niya. Si ate Kyla, R & B, though kaya ko rin naman ‘yung kulot-kulot minsan at si Ate Rachelle Broadway singer naman, hindi ko kaya ‘yun,” pagkumpara ng dalaga sa kapwa niya divas.

Kaya niyang kumanta ng pop-rock, soul at RnB maliban nga sa Broadway dahil wala siyang proper training at hindi rin naman niya ito hilig.

“Oo nga po, wala akong background sa Broadway songs. Siguro po kaya naman gawin ‘yung sa iba (divas),” napangiting sabi ng dalaga.

Kaya ang sabi namin, siya ang pinakamagaling lalo na ‘pag biritan dahil hindi naman kaya nu’ng apat ang matataas na kanta. (Reggee Bonoan)