IPINAGDIRIWANG ng University of Santo Tomas (UST) ang ika-405 anibersaryo ng pagkakatatag nito ngayong Abril 28, 2016. Ginawaran ito ng tatlong titulo—“Royal” ni King Charles III ng Spain noong 1785 bilang pagkilala sa naging papel ng unibersidad sa pananakop sa Maynila noong 1762-1764; “Pontifical” ni Pope Leo XIII noong 1902 sa kanyang Quae Mari Sinico, at ang ikalawang unibersidad sa mundo na pinagkalooban ng nasabing estado kasunod ng Gregorian University sa Vatican; at “Catholic University” ni Pope Pius XII noong 1947. Ito ang dahilan kaya ang UST, na pinangangasiwaan ng Order of Preachers, ay naging una at nag-iisang pormal na idineklarang royal at pontifical university sa Pilipinas.
Ang UST ang may pinakamatandang extant university charter sa Pilipinas at sa Asia at isa sa pinakamalalaking Katolikong unibersidad sa mundo, sa larangan ng populasyon (may mahigit 42,000 estudyante). Itinatag ito noong Abril 28, 1611 ni Archbishop of Manila Fr. Miguel de Benavides, na ibinigay ang kanyang silid-aklatan bilang seed fund upang itatag ang Colegio de Nuestra Senora del Santisimo Rosario sa napapaderang lungsod ng Intramuros. Taong 1625 nang palitan ang pangalan nito sa Colegio de Santo Tomas, ipinangalan sa patron nitong si St. Thomas Aquinas. Taong 1645 nang gawin itong unibersidad ni Pope Innocent X.
Inilipat ang UST mula sa Intramuros sa kasalukuyan nitong campus sa Espana Street noong 1927 nang maipalagay ng mga Dominikano na hindi na sapat ang orihinal na unibersidad para sa lumalaking populasyon nito. Ang apat na istruktura sa malawak na campus sa Espana—ang Main building, Santissimo Rosario Central Seminary, Arch of the Centuries, at Grandstand (University Field)—ay kinilala ng National Museum noong 2010 bilang mga National Cultural Treasure dahil sa pambihirang kahalagahan sa kasaysayan ng mga ito. Ang campus ay idineklara bilang National Historical Landmark ng National Historical Commission of the Philippines noong 2011.
Tatlong Santo Papa na ang bumisita sa unibersidad sa loob ng apat na beses—isang beses na nagtungo roon si Pope Paul VI noong Nobyembre 28, 1970, dalawang beses si St. John Paul II noong Pebrero 18, 1981, at Enero 13, 1995, at si Pope Francis noong Enero 18, 2015, para makipagpulong sa kabataan. Dalawang beses naman itong binisita ni Blessed Mother Teresa noong Enero 1977 at Nobyembre 1984. Dumalaw din sa unibersidad ang mga European royalty at mga dayuhang dignitary sa nakalipas na apat na dekada.
Ang UST ay may limang clusters of discipline na nakakalat sa mahigit 19 nitong faculties, colleges, at institutes: Science and Technology7, Arts and the Humanities, Education and the Social Sciences, Medicine and Health, at Ecclesiastical Faculties. Ilang degree program nito ang kinikilala ng Commission on Higher Education bilang Centers of Excellence at Centers of Development. Tanyag sa buong mundo, ang UST ay kinikilala ng World Ranking Web of Universities, gayundin ng Quacquarelli Symonds, bilang isa sa mga pangunahing unibersidad sa bansa. Kabilang sa mga mahuhusay na nagtapos sa unibersidad ang Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal; ang mga bayaning sina Emilio Jacinto at Apolinario Mabini; at ang mga dating Pangulo ng Pilipinas na sina Manuel L. Quezon, Sergio Osmena, Jose P. Laurel, at Diosdado P. Macapagal.