MATINDING problema ang inihatid sa atin ng El Niño. Biglang kumalat ang kung anu-anong sakit, kasabay ng kaliwa’t kanang sunog.

Sa sakit, nangunguna ang heat stroke. Maya’t maya’y may naoospital dahil sa stroke. Ang ibang “di-malakas sa Diyos” ay tuluyang natitigok. Iyon namang iba ay nangakahilata sa ICU. Palala na talaga nang palala ang mga nangyayari ngayon. Tambak din ang kaso ng sore eyes, pigsa, kuto at bungang-araw. Karamihan sa mga halaman, dahil sa sobrang init, ay hindi namumunga pero ang mga tao ay nagsisipamunga-bungang-araw.

Sunud-sunod din ang sunog, partikular na sa Maynila, QC, Pasay, Tondo, at kung saan-saan pang lugar. At ang nakalulungkot, ang madalas na mabiktima ng sunog ay ang mahihirap na nangakatira sa mga suluk-sulok at barung-barong na bahay. Iyong iba ay dahil sa walang kuryente at gumagamit lamang ng kandila at iyong iba ay dahil na rin sa kapabayaan.

Pero ‘tulad ng sunog sa mga bayan at lungsod, malalawak na rin ang sunog sa mga kagubatan. Ekta-ektarya ang nasusunog na mabilis na kumakalat dahil sa init ng panahon. Nangatutuyo ang mga halaman at damo dahil sa sobrang init kaya kaunting dingas lamang ay nagsisiklab na at halos maging impiyerno ang kagubatan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang problema ng pagkasunog ng mga kagubatan ay mahirap na matugunan ng ating gobyerno. Wala tayong kakayahan para masugpo ito. Iyon lamang ilegal na pagtotroso ay hindi natin nasusugpo hanggang sa makalbo na ang karamihan sa ating mga kabundukan, ang sunog pa kaya?

Maging sa US ay problema rin kapag may forest fire. Hirap din ang kanilang mga bumbero. Dito pa kaya sa atin?

Kulang sa mga nagbabantay sa ating mga kagubatan. Hindi kaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Pero malamang na natutuwa ang ilang opisyal ng departamentong ito. Nangangahulugan na malaking pondo na naman ito sa kanilang departamento. At kapag malaki ang pondo, malaki ang pakinabang.

Siguradong malaking pondo ang ilalaan para sa reforestation. Ang muling pagtatanim sa mga napanot na kagubatan ay isang malaking proyekto na may malaking PAKINABANG sa magpapatupad nito.

Talaga yatang sa bawat trahedya ay may nabibiyayaan sa garapal man at ilegal na paraan. (Rod Salandanan)