SA “Liham Pastoral 2016: Hubileyo ng Awa, Taon ng Maka-Eukaristiyang Angkan at Ang Halalan sa Mayo” na natanggap ko mula kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, ito ang mababasa: “Maganda ang ating Bayan. Huwag ipagkatiwala sa mga lapastangan.
Kaya sino dapat ang ihahalal? Sa ngalan ng Diyos at sa diwa ng tunay na pagmamalasakit sa bayan, iboto natin:
1) Ang mga nangangako at mapagkakatiwalaang tunay na mangangalaga sa ating kapaligiran, nagtataguyod sa pagkalinga, pagmamahal at pagmamalasakit sa kalikasan, at magbibigay ng tiyak na pag-asa lalo na sa mga kabataan at sa mga isisilang pa;
2) Ang mga matuwid at tapat na hindi magsasamantala sa kayamanan ng bayan, kung hindi tunay na magiging halimbawa sa lahat, matanda man o bata, ng katapatan at di makasariling paglilingkod;
3) Ang mga hindi nasisilaw sa salapi at hindi kayang takutin sapagka’t tiwala sila sa Diyos na kanilang tunay na pinaglilingkuran at may malalim na pagmamalasakait, lalo na ang mga higit na nangangailangan;
4) Ang mga maka-Diyos na tao, tapat sa pananagutan sa pamilya, nangangaral sa mga anak at may mabuting halimbawa ng tamang paglilingkod sa kapwa;
5) Ang nagtataguyod sa kabanalan ng pamilya, kahalagahan ng buhay, kadalisayan ng pagmamahal, at kagandahan ng kalikasan;
6) Ang mga talagang nagmamalasakit sa mga kabataan at nagpapakita sa kanila ng tunay, tapat at malinis na pamumuhay;
7) Ang mga maliwanag na nagpapamalas at ‘di makasariling panunungkulan, ‘di nagpapakita ng karahasan, kundi matulungin sa lahat maging anuman ang kanilang katayuan.”
Kaakibat sa mga nabanggit, tagubilin din ni Archbishop Arguelles sa mga tapat at alagad ng Diyos na: Bumoto lamang matapos ng puspusang pananalangin sa bayan; Ipagdasal din ang kanyang ihahalal sapagka’t mahalaga ang iniatas na pananagutan; Patuloy na manalangin sana ang lahat para sa pagkakaroon ng BAGO at GANAP na Pilipinas; Panatilihin ng lahat sa mapanalanging kaisipan ang Hubileyo ng Awa at Taon ng Pamilyang nakaugat sa Eukaristiya. Sa buod na pagtatanda iboto ang “kandidatong maka-Diyos, maka-Tao, maka-Bayan, maka-Kalikasan, maka-Pamilya at maka-Buhay!”
(Erik Espina)