SA pagkakapugot ng mga bandidong Abu Sayyaf sa dinukot nilang Canadian, may mga mamamayan pa kaya ng Canada na maghahangad bumisita sa Pilipinas, lalo na sa Mindanao? Hindi kaya nagkalamat na ang magandang samahan ng Pilipinas at Canada dahil sa karumal-dumal na pagpatay?

Mismong si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang nagkumpirma na pinugutan ng mga bandidong Abu Sayyaf si John Ridsdel; ang kanyang ulo na nakasilid sa isang plastic bag ay basta na lamang iniwan ng dalawang nakamotorsiklo sa isang kalsada sa Jolo, Sulu. Tandisang sinabi ng Prime Minister na ito ay isang cold-blooded murder – isang kahindik-hindik na pagpaslang.

Si Ridsdel, kasama ang isa pang Canadian, Norwegian at isang Pinay, ay dinukot ng mga buhong na Abu Sayyaf sa Samal Island noong Setyembre, 2015. Sila, bukod pa sa mga naunang dinukot ng mga naturang bandido, ay tiyak na nangangamba sa kanilang kaligtasan.

Dahil dito, tiyak na nalantad din ang kawalan ng kapabayaan ng ating mga sundalo, pulis at iba pang ahensiyang pangseguridad sa paglipol ng Abu Sayyaf na hanggang ngayon ay namamayagpag sa mga kagubatan ng Mindanao; walang patumangga sa pagdukot hindi lamang sa ating mga kababayan, kundi maging sa mga dayuhang turista na inaasahan nilang makapagbabayad ng limpak-limpak na ransom money.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tuwing may nagaganap na kakila-kilabot na pagpatay, pagkondena na lamang ang karaniwang nagiging reaksiyon ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, kabilang na ang gobyerno. Hanggang dito na lamang ba? Hindi ba kayang puksain ng libu-libong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga Abu Sayyaf, kabilang na ang mga New People’s Army (NPA), at iba pang rebeldeng Muslim na walang habas na naghahasik ng karahasan sa mga komunidad? Kailangan pa bang lagi tayong umaasa sa ibang bansa sa pagtugis sa bandido?

Hindi natin masisisi ang iba’t ibang bansa na pumigil sa kani-kanilang mga mamamayan na bumisita sa Pilipinas dahil sa mga panganib na naghahari sa bansa. May mga bagong travel advisory ang United States, Britanya at maging Australia laban sa pagdalaw sa ating bansa. Lumilitaw na ang Pilipinas ay isang mapanganib na bansa para sa mga dayuhan, lalo na sa mga mamamahayag.

Sana’y hindi tuluyang mabiyak ang lamat na namuo sa relasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa alang-alang sa pandaigdigang pagkakaibigan. (Celo Lagmay)