Nagbitiw sa tungkulin si NFA administrator Renan Dalisay.
Kinumpirma kahapon ni Dalisay na naghain siya ng resignation letter sa Malacañang noong Abril 15, pero hindi pa tinatanggap ng Pangulo ang kanyang pagbibitiw sa National Food Authority.
Nabatid na ang pagbibitiw ni Dalisay sa NFA ay personal niyang desisyon at dahil na rin sa kanyang kalusugan.
"It's a bit personal... and medical. I just have to go through some medical procedure na baka 'pag hindi ko pa gawin baka maging mas malaki ang epekto sa health," paliwanag ni Dalisay.
Ang NFA Council ang pansamantalang mangangasiwa sa iiwanang trabaho ni Dalisay habang hindi pa nagtatalaga si Pangulong Aquino ng kanyang kapalit.
Tiniyak naman ni Dalisay sa kanyang pag-alis na may sapat na bigas ang bansa dahil sa imbak na suplay at aning palay sa kabila ng nararanasang tagtuyot sa mga sakahan bunga ng El Niño phenomenon. (Jun Fabon)