Ipinakulong ni Mayor Rexlon T. Gatchalian ang isang ginang na naaktuhang namimigay ng mga babasahin na pawang negatibo sa kandidatura nito sa Valenzuela City, nitong Martes ng umaga.
Mismong si Gatchalian ang sumama sa pag-inquest sa Prosecutor’s Office para kasuhan ng libel at unjust vexation si Josephine Berania, 32, ng Espiritu St., Barangay Mabolo ng nasabing lungsod.
Ayon sa report, bandang 9:00 ng umaga nang maispatan ng mga Bantay Bayan volunteer si Berania habang namimigay ng mga anti-Gatchalian komiks sa labas ng Sebastian St., Polo Market, Polo, Valenzuela City.
Napag-alaman ng mga taga-suporta ni Gatchalian na ang ipinamimigay na babasahin ay photo copy ng mga nailathala sa dyaryo kung saan nakasaad ang ginawang pagsibak ng Ombudsman sa alkalde dahil sa nangyaring sunog sa Kentex noong Mayo 13, 2015.
Bukod dito, may komiks din na nakasulat na “Mayor Ganda” na umaalipusta sa pagkalalaki ni Gatchalian.
Dahil dito, inaresto si Berania at dinala sa police station at ikinulong.
Makalipas ang ilang oras, tumawag si Gatchalian at sinabing idedemanda nito ang ginang.
Humingi ng tawad si Berania sa alkalde pero hindi ito pinatawad ng huli. (Orly L. Barcala)