SA gitna ng pagsusulputan ng napakaraming opinion survey na nagbibida ng pangunguna ng iba-ibang kandidato, ang marahil ay pinakamahalagang tuklas ay ito—na halos kalahati ng mga sinarbey ang nagsabing maaaring magbago pa ang kanilang isip.
Sa pre-debate program ng ikatlo at huling presidential debate na idinaos nitong Linggo sa Phinma University of Pangasinan, sinabi ng political analyst na si Prospero de Vera na 95 porsiyento ang tinukoy na ang napipisil nilang kandidato, habang limang porsiyento ang hindi pa rin nakapagdedesisyon. Ngunit nang tinanong: “Posible bang magbago pa ang inyong isip hanggang sa Araw ng Halalan?”, 40 porsiyento ang nagsabing oo, bukas pa rin sila sa posibilidad na magbago ang kanilang isip.
Malaki ang naitutulong ng mga resulta ng survey sa mga nagpaplano ng kampanya. Matutukoy ng mga ito ang kalakasan at kahinaan ng kandidato, upang mapagtuunan nila ng atensiyon at pagsisikap kung kinakailangan. Ang pagtatagumpay sa mga pagsisikap na ito ay makikita sa mga susunod na survey.
Nakita sa mga huling survey ang pagpapalitan sa unang puwesto ng dalawang nangungunang kandidato, habang ang tatlo naman ay hindi nagpapakita ng pagsuko na hindi sila pinapaboran ng mga botante. Sa huling debate ng mga kandidato sa pagkapangulo sa Dagupan City, magkakaiba ang opinyon ng mga commentator at analyst; walang sinuman sa mga kandidato ang namayagpag sa talakayan, at walang sinuman sa kanila ang masasabing sigurado nang magtatagumpay.
Kaya naman mahalaga ang natitirang dalawang linggo ng kampanya para sa lahat ng kandidato. Kilala ang mga botanteng Pilipino sa paghihintay ng araw ng ekeksiyon bago makapagdesisyon, matapos na tutukan sa telebisyon at pakinggan ang mga kandidato at konsultahin ang malalapit na kaibigan, mga kamag-anak, at kani-kanilang lokal na lider pulitiko. Sinasabing nasa 26 na porsiyento ng mga Pilipinong botante ang nagdedesisyon lamang sa huling tatlong linggo ng kampanya.
Sa 52 milyong botante sa paghahalal ng presidente ngayong taon, mayroong limang porsiyento ang aminadong hindi pa nakapagdedesisyon at 95 porsiyento ang tiyak na sa kanilang iboboto. Ngunit sa 95 porsiyentong ito, halos kalahati—40 porsiyento—ang nagsabing maaaring magbago pa ang kanilang isip. Napakalaking bilang ng botante ito na patuloy na naghihintay at nagmamasid, isang malaking bilang na tutukoy kung sino ang susunod nating pangulo.
Umasa tayo na sa mga huling araw ng kampanyahan para sa eleksiyon ngayong taon, buong katalinuhan na magpapasya ang mga Pilipino dahil ang kanilang ihahalal ay ang magiging pangulo ng bansa sa susunod na anim na taon, kakailanganing magdesisyon sa napakaraming usapin na hindi lamang nakaaapekto sa ating mga buhay sa kasalukuyan kundi sa kinabukasan ng ating bansa at sa kasasapitan ng ating pambansang kasaysayan sa hinaharap.