WARRINGTON, England (AP) — Matapos ang 26 na taon, nakamit ng pamilya ng 96 Liverpool soccer fans ang katarungan matapos ipahayag ng jury dito nitong Martes (Miyerkules sa Manila) na ang kapabayaan ng kapulisan at emergency service ang dahilan ng kanilang kamatayan.
Namatay matapos maipit sa itinayong bakal na bakod ng anti-riot police ang 96 na katao na tagahanga ng magkaharap ang Liverpool at Nottingham Forest sa football match noong Abril 15, 1989. Batay sa dokumento, pinayagan ng kapulisan na pumasok ang may 2,000 tagahanga ng Liverpool sa noo’y puno nang Hillborough Stadium na may capacity lamang na 54,000.
Ayon sa desisyon ng jury, ang mga biktima ay “unlawfully killed” dahil sa itinayong mga bakod at walang kinalaman sa aksidente ang kaguluhan ng mga nananabik na mga tagahanga.
Sa orihinal na desisyon, lumalabas na aksidente ang pangyayari, ngunit hindi ito tinanggap ng mga pamilya kung kaya’t inapela nila ito at nitong 2012 muling binuksan ang kaso at ginamit ang mga bagong ebidensiya.
Palasak sa English soccer fans ang kaguluhan sa bawat football match noong dekada 80 kung kaya’t dito isinisisi ng kapulisan ang insidente.
"The disgrace is that we've been faced by police slander upon slander, insult upon insult," sambit ni Hillsborough campaigner Trevor Hicks, namatayan ng dalawang anak na babae sa naturang insidente.
"Now, truth has won out,” aniya.