Hiniling ng detinadong si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa Sandiganbayan na payagan siyang makalabas ng kulungan upang makaboto sa Bacoor, Cavite sa Mayo 9.
Idinahilan ni Revilla sa apat na pahinang mosyon nito sa 1st Division na may karapatan pa rin siyang makaboto dahil hindi pa naman ito nahahatulan sa anumang krimen.
“It is a basic rule that it is only upon conviction that an accused is deprived of his right of suffrage…An accused detainee’s basic human rights are not shed off at the gates of prison, especially since he enjoys the presumption of innocence in his favor,” bahagi ng mosyon ni Revilla na iniharap ng abogado nito sa hukuman.
Sinabi ni Revilla sa kanyang mosyon na nais niyang samahan siya ng pulisya sa kanyang polling precinct na roon siya nakarehistro.
Sa ilalim, aniya, ng patakaran ng Commission on Elections (Comelec), maaari ring bumoto ang isang preso sa pamamagitan ng special polling center sa detention facility.
Si Revilla ay nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng pagkakasangkot sa kontrobersiyal na “pork barrel” fund scam, at 10 buwan nang nakapiit sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City. (Rommel P. Tabbad)